Bigyan ng pagkakataon ang BBL | |
REY MARFIL
May bagong pag-asang nakikita sa pagpasa ng isinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL) ng pamahalaan na inaasahang magiging daan tungo sa kapayapaan sa Mindanao.
Nitong nakaraang mga araw, dalawang mahalagang pangyayari ang naganap na maituturing na positibong hakbang tungkol sa pagkilos ng mga mambabatas sa Senado at Kamara de Representantes para pagtibayin na nila ang BBL. Una rito ang naging resulta ng ginawang pagrepaso ng binuong Peace Council ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na inatasan niyang sumuri sa legalidad ng BBL. Ito’y bunga na rin ng mga naunang naglabasan na alegasyon na mayroong mga probisyon sa BBL na labag sa Saligang Batas. At sino ang nasa tamang posisyon para magpasya kung labag o hindi sa Saligang Batas ang BBL?
Walang iba mismo kung hindi ang mga dating mahistrado sa Korte Suprema, tulad ni dating Chief Justice Hilario Davide at mga iginagalang na personalidad sa lipunan.
Mabuting ang mga tao na wala sa posisyon at nasa hanay ng pribadong sektor ang sumuri sa BBL para makapagbigay sila ng patas at walang kinikilingan pananaw tungkol sa kontrobersiyal na panukala.
Nakapaloob kasi rito ang pagbuo ng political entity sa Mindanao na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
At base nga sa pag-aaral ng Peace Council, maliban sa ilang salita sa BBL na dapat alisin at may dapat idagdag, sa pangkalahatan ay naaayon sa Saligang Batas ang BBL, na mahalagang bahagi ng usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front o MILF. Sabi mismo ni Fr. Joel Tabora, na kumakatawan sa Peace Council member na si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, katanggap-tanggap ang panukalang batas at dapat suportahan ng lahat ng Pilipino. At taliwas sa sinasabi ng ilan na masyadong makapangyarihan ang political entity na malilikha sa BBL, at mistulang hiwalay na estado, sinabi ni Davide na naaayon sa paglikha ng autonomous region sa bansa ang panukalang batas. Paliwanag ng dating punong mahistrado, “The grant of exclusive powers to the Bangsamoro Government is not tantamount to a superior Bangsamoro government or a weakened Central Government. It only refers to powers that are devolved to the Bangsamoro government, which remains under the Central Government, but as an autonomous region.” *** Bukod sa paglabas ng opinyon ng Peace Council tungkol sa BBL, magandang hakbang din ang ipinakita ng MILF sa balitang pagkakapatay ng kanilang mga tauhan sa wanted na si Basit Usman. Matatandaan na kasama si Usman sa target ng mga operatiba ng Special Action Force (SAF) ng PNP sa Mamasapano, Maguindanao na nauwi sa trahedya at pagkamatay ng 44 na police commando. Dahil kasama ang ilang tauhan ng MILF sa mga nakasagupa ng SAF, naapektuhan ang deliberasyon ng BBL at nagkaroon ng kuwestiyon sa katapatan ng MILF na makipagkasundo sa pamahalaan. Ngayon, mismong ang militar ang nagkompirma na mga tauhan ng MILF ang nakahuli kay Usman nang pumasok ito sa kanilang teritoryo. Nang dadalhin na raw ito sa Central Committee ng MILF, pumalag si Usman at nauwi sa barilan kaya siya napatay. Kung katapatan sa peace process ang hinahanap ng iba sa MILF, maaaring ang pagkakapatay nila kay Usman ay isang palatandaan na nais nilang bumawi sa anumang pagkakamali na nangyari sa Mamasapano. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may0815/edit_spy.htm#.VUywPPlViko
|
Friday, May 8, 2015
Bigyan ng pagkakataon ang BBL REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment