Friday, May 15, 2015

Dagdag-trabaho, bawas-gutom REY MARFIL



Dagdag-trabaho, bawas-gutom
REY MARFIL


Maganda at tila nagtutugma ang resulta ng nakaraang survey ng Social Weather Station tungkol sa bilang ng mga walang trabaho at pamilyang nagugutom sa bansa sa unang tatlong buwan ng taong 2015.

Base sa resulta ng nabanggit na survey na ginawa noong Marso 20-23, sinasabing nasa 19.1 percent ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa, na mas mababa sa naitalang 27 percent sa huling survey na ginawa noong December 2014.

Magandang balita ito para sa administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na patuloy na gumagawa ng mga programa na mapalago ang ekonomiya ng bansa upang makalikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Batay sa datos ng SWS, pababa nang pababa ang unemployment rate sa kanilang survey mula noong Marso 2012 kung saan naitala ang pinakamataas na bilang na 34.4 percent ng mga walang hanapbuhay.

Maganda rin ang resulta sa usapin ng positibong pananaw ng mga Pilipino na mas maraming trabaho ang maaasahan sa taong ito na umangat sa +20 percent mula sa dating +16 noong Disyembre.

Ang pagkakaroon ng trabaho ng mas maraming Pinoy ay indikasyon na sadyang gumaganda ang ekonomiya ng bansa at pagkakaroon ng tiwala ng mga negosyante na mamumuhunan sa ilalim ng liderato ng “daang matuwid” ni Aquino.

At kung tumaas ang bilang ng mga may hanapbuhay, natural lang na mabawasan din ang bilang ng mga pamilyang nagugutom. Kaya naman siguro lumitaw sa isa pang survey na ginawa ng SWS na nabawasan ang bilang ng pamilyang nagsasabi na nakararanas sila ng araw na hindi kumakain.

***

Sa datos ng pag-aaral na ginawa rin sa nabanggit na buwan ng Marso, sinabing 13.5 percent ng pamilya ang nakararanas ng walang makain, na mas mababa sa 17.2 percent na naitala noong Disyembre 2014.

Sinasabing ito na ang pinakababang bilang ng mga pamilyang nagsasabing nakararanas ng gutom sa nakalipas na sampung taon.

Kung tutuusin, mataas pa rin naman ang naturang bilang pero magandang balita na rin ito dahil lumilitaw na nagkakaroon ng resulta ang mga programa ng pamahalaang Aquino kontra sa kahirapan at gutom.

Ayon sa Palasyo, ang pagkabawas ng bilang ng mga nagugutom ay resulta ng mga programa ng gobyerno tulad ng conditional cash transfer Pantawid Pamilyang Pi­lipino Program at pagpapalawig ng PhilHealth program.

Pero siyempre, ang magandang balitang ito ay masamang balita sa mga kritiko ng administrasyon na pilit pa ring maghahanap ng butas at paraan para kumontra. Gaya na lang ng katwiran ng isang makakaliwang grupo na nagsabing kaya nabawasan ang bilang ng mga nagugutom ay dahil daw sa mga pagkain sa basurahan na kung tawagin ay “pagpag.”

At kahit nabawasan ang bilang ng mga walang trabaho, idinahilan pa rin ng mga kritiko na hindi pangmatagal o kaya naman ay makabubuhay ng pamilya ang trabahong nakukuha ng mga kababayan natin. Aba’y sadyang may mga taong sala sa init, sala sa lamig, at mahirap pasayahin.

Ngunit para sa marami nating kababayan, tiyak na ang hiling nila ay madagdagan pa sana ang trabahong maibibigay ni PNoy sa nalalabing isang taon niya sa panunungkulan nang mabawasan pa lalo ang bilang ng mga nagugutom.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may1515/edit_spy.htm#.VVXwZflViko

No comments: