Sumasaklolo! | |
REY MARFIL |
Magandang balita ang pagbuhay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Crisis Monitoring and Response Team (CMRT) upang tumugon sa kasalukuyang kritikal na sitwasyon sa Yemen matapos itaas sa ika-apat na antas ang alarma dahil sa lumalalang armadong tensiyon doon.
Isang espesyal na komite ng OWWA ang CMRT na binubuhay tuwing nagkakaroon ng kaguluhang pulitikal sa mga bansa kung saan naghahanapbuhay ang ating overseas Filipino workers (OFWs).
Sa pamamagitan ng daang-matuwid ni Pangulong Noynoy “P-Noy” Aquino, sinisiguro ng komite ang napapanahong pagtugon at pagkakaloob ng ayuda ng OWWA sa ating mga kababayang naiipit sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa.
Matapos iutos ni Pangulong Aquino, mabilis na tumugon si OWWA Administrator Rebecca Calzado para buhayin ang CMRT at masusing bantayan ang mga kaganapan sa estado ng paglilikas, pagtawid ng mga hangganan at iba pang tulong.
Kasama rin dito ang koordinasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Missions sa pagpapabalik sa bansa ng naipit na OFWs upang agarang mabigyan ang mga ito ng saklolo.
***
Tinutukoy rin ng grupo ang pangangailangan na dapat maibigay sa OFWs at serbisyong karaniwang ipinagkakaloob ng Repatriation Assistance Division (RAD) pagdating sa paliparan at magkaloob ng napapanahong anunsiyo at pagmintina ng datos ng mga nagbalik sa bansa na mga manggagawa.
Umabot na kamakailan sa 342 na OFWs ang naibalik sa bansa ng OWWA mula sa Yemen na nabigyan rin ng kaukulang mga ayuda sa kanilang pagdating sa bansa, kabilang ang espesyal na linya para sa pagproseso ng immigration papers.
Siyempre hindi pinapabayaan ng administrasyong Aquino ang ating mga kababayan kaya naman binibigyan rin ang mga ito ng pansamantalang tirahan, transportasyon at pamasahe para makabalik sa kani-kailang mga lalawigan.
Bahagi rin ang OWWA ng DOLE-Assist WELL na tumutulong sa pangangailangan ng ating OFWs na naipit sa labanan.
Kitang-kita naman ang malasakit ni Pangulong Aquino para sa kapakanan ng ating OFWs.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may0415/edit_spy.htm#.VUdlxflViko
No comments:
Post a Comment