Monday, May 18, 2015

Kagimbal-gimbal REY MARFIL



Kagimbal-gimbal
REY MARFIL

Nakalulungkot at nakagigimbal ang trahedyang nangyari sa Valenzuela City sa pagkasawi ng 72 katao na pinaniniwalaan na pawang mga karaniwang manggagawa sa nasunog na pagawaan ng tsinelas.

Ang nangyari sa Valenzuela City ay nagpapaalala sa malagim na trahedya na nangyari rin sa Bangladesh noong nakaraang taon kung saan 112 manggagawa sa pabrika naman ng damit ang namatay ng dahil din sa pagkasunog ng kanilang gusali.

Gaya ng nangyari sa Bangladesh, may pagkakatulad ang nangyari sa Valenzuela dahil sa kondisyon ng gusali na sinasabing nakulong ang mga nasawi sa ikalawang palapag dahil sa kawalan ng sapat na fire exit at may rehas ang mga biktima.

Maliban sa posibleng kapabayaan sa hindi pagsunod ng may-ari ng gusali sa Fire Safety Code, nararapat ding pagtuunan ng atensiyon ang kalagayan ng mga karaniwang manggagawa sa mga tinatawag na “sweat factory”.

Ito ang mga pabrika na literal na mainit ang kapaligiran dahil sa kakulangan ng bentilasyon kaya talagang pinagpapawisan ang mga manggagawa. Bukod diyan, hindi rin sila nabibigyan ng sapat at tamang sahod at benepisyo.

Dahil karamihan sa mga manggagawang ito ay hindi nakatapos ng pag-aaral at gipit na makahanap ng trabaho para makatulong sa kanilang mga pamilya, lantad sila sa pang-aabuso ng mga mapagsamantalang kapitalista.

***

Isa sa nakitang pag-abuso ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Rosalinda Baldoz sa sitwasyon ng nasunog na pabrika sa Valenzuela ay ang pagkakaroon umano ng sub-contractor na kumu­kuha ng mga manggagawa na “pakyawan” ang ­trabaho at hindi arawan.

Ibig sabihin, may quota sila o dami ng magagawang tsinelas para makatanggap ng sahod na lumilitaw din na mababa sa itinatakdang batas sa minimum wage.

Sa ganito nga namang sitwasyon, may lusot ang may-ari ng pabrika pagdating sa isyu ng pasahod at benepisyo dahil ikakatwiran lang niya na idinadaan niya sa kausap na kontratista ang tamang pasuweldo.

Sa nangyaring ito sa pabrika ng Valenzuela, tiyak na lalong magiging mahigpit ang pamahalaang Aquino sa mga mapang-abuso at mapagsamantalang mga negosyante. Bagaman kailangan natin lumikha ng mga trabaho, hindi naman siguro makatwiran na abusuhin ang mga manggagawa.

Kamakailan nga lang ay nakiusap si PNoy sa isang pagtitipon ng mga employer na matuto naman silang magdagdag ng sahod at magbigay pa ng benepisyo sa kanilang mga manggagawa. Simple lang naman kasi ang katwiran ng Pangulo, katuwang ng mga negosyante ang mga manggagawa sa paglago ng negosyo kaya dapat lang na mabahaginan sila ng natatamasang pag-unlad sa kita.

Ayon nga kay Baldoz, naging pursigido ang pamahalaang Aquino na mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa ating bansa. Katunayan, umabot na sa 10,000 ng tinatayang 15,000 illegal employment agencies ang kanilang naipasara.

Hindi na natin maibabalik ang buhay ng mga manggagawang nasawi sa Valenzuela. Ang magagawa na lamang ng pamahalaan ay mabigyan ng katarungan at mapanagot ang mga may kasalanan sa kanilang sinapit.

Dapat ding matugunan ang mga problema sa sektor ng paggawa tulad sa usapin ng pasahod at kanilang kaligtasan sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan para hindi na maulit ang trahedyang ito. 
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may1815/edit_spy.htm#.VVnjEvlViko

No comments: