Friday, May 1, 2015

Ang mahalaga ay buhay si Veloso REY MARFIL



Ang mahalaga ay buhay si Veloso
REY MARFIL


Tanggapin man o hindi ng iba, ang pagkakasalba sa buhay ni Mary Jane Veloso sa bitayan ng Indonesia ay ang magkasamang pagkilos at pagsisikap ng pamahalaang Aquino at panalangin ng sambayanang Pilipino.

Habang nagdiriwang ang sambayanan sa naging desisyon ng Indonesia na ipagpaliban ang pagbitay kay Veloso,  ang mga kritiko ni PNoy ay abala pa rin sa paghaha­nap ng ipupuna sa pamahalaan. Hindi raw dapat bigyan ng kredito ang gobyerno na naisalba si Veloso, ang kaisa-isang nakaligtas  sa siyam na nakasalang sa firing squad.

Kahit nakaligtas si Veloso, ang puna pa rin ng mga kritiko, wala naman daw ginawa si PNoy at pinabayaan daw ang kaso nito mula nang mahuling nagtutulak ng iligal na droga sa Indonesia noong 2010.

Pero ayon mismo sa Department of Foreign Affairs, tinutukan ng pamahalaan mula sa simula ang kaso ni Veloso. Pero sadyang mahigpit ang batas ng Indonesia pagdating sa usapin ng iligal na droga -- na gaya ng Pilipinas ay itinuturing din nilang salot.

***

Isa pa, kahit sinasabi noon ni Veloso na hindi niya alam na may droga ang ipinadala sa kanyang bagahe, nang mga panahon na nililitis ang kaso niya ay walang makakasuportang katibayan sa kanyang mga pahayag.

Kaya malaking bagay ang nangyaring pagsuko sa pulisya ng sinasabing nag-recruit kay Veloso na si Kristina Sergio. Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng pagkakataon si Pangulong Noynoy Aquino na imungkahi at kumbinsihin ang pamahalaan ng Indonesia na panatiling buhay si Veloso upang makuha ang kanyang testimonya at maihatid sa hustisya ang mga tunay na dapat managot sa pagkakalat ng iligal na droga.

Ayon nga kay Cabinet Secretary Rene Almendras, nilabag mismo ni PNoy ang protocol sa hangarin nito na makausap ang foreign minister ng Indonesia.  Ang natu­rang pag-uusap ang sinasabing nagpabago sa sitwasyon sa kaso ni Veloso -- isang araw bago ang takdang pagbitay sa ating kababayan.

At maging ang tagapagsalita ng Attorney General ng Indonesia, inaming  na ang kahilingan ni Aquino ang dahilan kaya ipinagpaliban ang pagbitay kay Veloso. Pero siyempre, hindi iyan paniniwalaan ng mga kritiko ni PNoy.

Maliban sa personal na pagkilos ni PNoy, kumikilos din ang iba pang sangay ng gobyerno na nais mailigtas ang ating kababayan. Gaya ng paggamit ng Department of Justice sa tratado ng ASEAN na Mutual Legal Assistance Treaty (MLAT) kung saan kapwa miyembro ang Pilipinas at Indonesia.

Dahil nga lumilitaw na biktima ng human trafficking at drug syndicate si Veloso, at may sumuko na sinasabing sangkot sa usapin, hiniling ng DOJ sa kanilang counterpart sa Indonesia na tulungan tayo na malaman kung sino ang mga taong nasa likod ng sindikato.

Kung tutuusin, posibleng maging magandang panimula ito sa paglaban sa sindikato ng nagkakalat ng iligal na droga kapag natukoy at nahuli ang sinasabing “Ike”. Ito raw kasi ang nagbigay kay Veloso ng bagahe na may nakatagong heroin habang siya ay nasa Malaysia, na dinala niya sa Indonesia.

Ang pagkakaligtas kay Veloso sa bitay noong Miyerkules ay pansamantala lang. Ang dapat pagsikapan ngayon ay makabuo ng malakas na kaso na magpapatunay na biktima si Veloso ng sindikato para tuluyan siyang makaligtas sa parusang kamatayan.

Hindi man bigyan ng kredito ng ilan si PNoy at ang kanyang gobyerno, ang mahalaga ay nananatiling buhay si Veloso at nabigyan siya ng panibagong pag-asa. Sabagay, kung natuloy ang pagbitay sa ating kababayan, ganundin naman malamang ang gagawin ng mga kritiko ng gobyerno -- si PNoy na naman ang may kasalanan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako aang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may0115/edit_spy.htm#.VUN0YSFViko

No comments: