Wednesday, May 13, 2015

World class ang husay ng mga Pinoy



World class ang husay ng mga Pinoy
REY MARFIL




Nakakabilib ang mga kababayan nating sumali sa kauna-unahang Asia’s Got Talent. Sa siyam kasi na nakapasok sa grand finals, apat dito ay nagmula sa Pilipinas.

Sa pangalan pa lang ng programa, alam na natin na pagalingan ng talento ang labanan ng mga kalahok.
At kung talento ang pag-uusapan, makikita kung gaano karami ang mga Pinoy.

Ang isa sa mga lumalabas na paboritong manalo na El Gamma Penumbra ay grupong nagpapakita ng galing sa pagsayaw na anino lang ang nakikita. Nagpapahayag sila ng iba’t ibang mensahe tulad ng pangangalaga sa kalikasan na ipinakita nila sa finals.

Magkaibang husay naman sa pag-awit ang ipinamalas ng operatic singer na si Gerphil Flores, at ang mala-diva na si Gwyneth Dorado kahit 11-anyos pa lang siya. Nakilala naman at hinangaan sa kanilang buwis-buhay na pagsayaw ang hip hop dance group na Junior New System. 

Hindi na kataka-taka kung tutuusin ang pagkakapasok ng apat na kinatawan ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon. Kilala naman sa mundo ang galing ng mga Pinoy gaya nina Charice Pempengco, Manny Pacquiao, Lea Salonga, Efren ‘Bata’ Reyes, Monique Lhuillier, at marami pang iba.

Pero hindi lang sa sining at isports sikat ang mga Pinoy kung hindi maging sa trabaho. Maraming bansa na nangangailangan ng mga manggagawa tulad ng guro, nurse, at kahit sa construction works, ang nagbibigay ng prayoridad sa mga Pilipino.

May mga nagsasabi na marami sa mga kababayan natin ang napipilitan na mangibang bansa dahil sa kawalan ng oportunidad sa Pilipinas. Pero kung pagninila­yan natin ang usapin tungkol sa pagiging OFWs, puwede mo ring isipin na marami ang kababayan natin na nangi­ngibang bansa dahil nanghihinayang sila sa magandang oportunidad at kita dahil nga marami ang bansa na nais na Pinoy ang makuhang manggagawa.

***

Bukod dito, ang katwiran na walang trabahong makuha sa Pilipinas kaya nangingibang bansa ang marami sa ating kababayan ay mukhang hindi na malaking dahilan ngayon mula nang manungkulan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. 

Gaya nang naging laman ng talumpati ni PNoy nang makadaupang palad niya ang komunidad ng mga Pinoy sa Canada, ibinalita niya ang patuloy na pagganda ng ekonomiya sa Pilipinas, ang pagdami ng mga negosyo na mapagkukunan ng trabaho, ang pagpapahusay sa edukasyon, at pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho.

Naging maganda at masaya ang pakikipag-usap ni PNoy sa mga kababayan natin na nasa Canada dahil pinili ng pangulo ng gawin ang kanyang talumpati sa sarili nating wikang Filipino. Kaya naman kahit nasa ibang bansa sila, para na rin silang nakauwi sa Pilipinas nang sandaling iyon, at tiyak na marami sa mga kababayan natin na dumalo sa pagtitipon ang na-home sick na naman.

Buweno, kahit nasa ibang bansa sila, nagsisikap ang ating mga kababayan na maipakita ang kanilang galing sa trabaho upang umasenso at matulungan ang kapa­milya na naiwan sa Pilipinas.

Sa ating apat na pambato sa Asia’s Got Talent, may ilan na nangangamba na baka mahati ang boto para sa kanila at maging daan ng kanilang kabiguan. At dahil ang mananalo ay ibabatay sa dami ng mga boto at text, hindi natin alam ang kalalabasan ng resulta. Pero ang alam ng lahat ng buong Asya, ginawa niyo rin ang lahat ng inyong makakaya, hindi lang para sa ating bansa kung hindi para rin sa inyong mga pamilya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may1315/edit_spy.htm#.VVMwXflViko

No comments: