Friday, May 22, 2015

Pagdebatehan sa plenaryo REY MARFIL



Pagdebatehan sa plenaryo
REY MARFIL


Magandang hakbang tungo sa kapayapaan -- hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa -- ang naging pasya ng House ad hoc committee on the Bangsamoro Basic Law sa ginawa nilang pag-apruba sa draft bill na naglalayong bumuo ng bagong political entity na ipapalit sa kasaluku­yang Autonomous Region on Muslim Mindanao o ARMM.

Sa ginawang pag-apruba ng nasabing komite na pinamunuan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus B. Rodriguez, nakausad na muli ang sasakyang pangkapayapaan at maipapasa na ngayon ang bola sa pagtalakay sa naturang panukalang batas sa buong kapulungan ng mga mambabatas.

Bagaman nagkaroon ng mga pagbabago sa ilang probisyon sa BBL, positibo pa rin ang naging pagtanggap dito ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kahit sinasabing nabawasan o naalis ang ilan sa kanilang “wish list” sa magiging laman ng isinusulong na bagong liderato sa autonomous region ng Mindanao.

Sabi ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal, kahit may mga malalaking mungkahi sila sa komposisyon ng itatatag ng political entity na ipapalit sa ARMM, masaya pa rin sila sa pag-usad ng BBL. Kaya naman daw 90 porsiyento ng laman ng draft bill na inaprubahan ng komite ni Rodriguez ay suportado nila.

Sa kabila ng posibleng pagkilos ng mayorya sa mga kasapi ng komite ni Rodriguez, hindi pa rin maiiwasan ang magkaroon ng intriga na galing sa hanay ng mga ilang kasapi ng oposisyon na tutol sa BBL. Pero sana, kahit tutol sila sa BBL, hindi naman sana sila tutol sa kapayapaan sa Mindanao, na kung tutuusin ay magiging kapayapaan ng buong Pilipinas.

Matapos kasi ang pagpasa ng BBL sa komite, luma­bas ang mga tsismis na nagkaroon daw ng suhulan sa mga mambabatas na bumoto pabor sa panukalang batas. Ang kanilang alegasyon, bibigyan daw ng gobyerno ng pondo para sa pet projects ng mga kongresista na boboto para sa paglusot ng BBL. 

Kung totoo man ang tsismis at lalabas na ang “suhol” ay para sa proyekto sa distrito na ang mga tao ang makikinabang, aba’y hindi na siguro masama. Ang masama ay kung direkta sa bulsa ng mga mambabatas ang punta ng suhol, na tiyak naman na hindi mangyayari sa liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Sabi kasi sa intriga, nangyari raw ang aregluhan nang pulungin ni PNoy ang mga kongresista noong weekend bago maganap ang botohan. Pero pinabulaanan na ito ng Palasyo. Ang totoo, pinulong ng Punong Ehekutibo ang ilang kongresista para pag-usapan ang ‘timetable’ sa pag-apruba ng BBL.

***

Kung tutuusin, ang naturang alegasyon o intriga ng suhulan ay insulto sa mga mambabatas dahil nais palabasin ng ilan sa kanilang kasamahan na tutol sa BBL na wala silang sariling desisyon at nababayaran.
Papaano kaya kung baliktad ang nangyari at hindi nakalusot sa komite ang BBL? Ano naman kaya ang sasabihin ng oposisyon at kritiko ng administrasyon?

Nauna nang ipinaliwanag ng Palasyo na nang dahil sa nangyaring trahedya sa Mamasapano, Maguindanao, nausod nang nausod ang target date ng pamahalaan na maaprubahan ng Kongreso ang BBL na kanilang sinusuportahan. Kaya natural lang kay PNoy na alamin mula sa mga mambabatas kung kakayanin pang maipasa ang panukalang batas sa panibago nilang target period kaya nakipagpulong siya sa ilang mambabatas.

Para kasi kay PNoy, naniniwala siya na makatutulong ang BBL para maituwid ang mga pagkakamali sa ginawang eksperimento sa paglikha ng ARMM. Kapag nalunasan ang mga butas sa pamamahala sa autonomous region, posibleng makamit na ang kapayapaan sa Mindanao; at ang katahimikan sa Mindanao at magdudulot din ng katahimikan sa buong bansa.

Sa pagkilos ng mga kongresista upang dalhin na sa plenaryo ang debate sa BBL, makabubuting sumunod na rin ang komite sa Senado na tumatalakay sa BBL. Dapat na aprubahan na rin nila sa komite ang BBL at hayaan itong pagdebatehan ng lahat ng senador at saka magpasya kung nararapat o hindi ito nararapat na maging ganap na batas.

Marahil ay sapat na ang oras na ginugol ng mga kongresista at senador sa pag-aaral sa panukalang batas sa BBL. Panahon na para malaman ng mga mamamayan ang pasya ng buong kapulungan ng Kamara at ng Senado sa pamamagitan ng debate sa plenaryo ang magiging kapalaran ng BBL. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may2215/edit_spy.htm#.VV8o-U9Viko

No comments: