Handa ka ba sa ‘the big one’? | |
REY MARFIL
Nitong mga nakaraang araw, masidhi ang ginawang pagpapakalat ng impormasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para magbigay ng babala sa publiko tungkol sa malakas na lindol sa Metro Manila na tinatawag nilang “the big one” na maaaring idulot ng paggalaw ng Valley Fault System.
May ilan na pumupuna sa PHIVOLCS na parang “praning” daw at nagpapakalat lang ng takot sa publiko sa kanilang ginagawa. Kasi nga naman, wala pa namang naiimbentong instrumento na makapagsasabi kung kailan talaga magaganap ang lindol. Pero ang tanong, dapat ba nating ipagwalang-bahala ang kanilang babala? Kung tutuusin, ang paalala ng PHIVOLCS ay para naman sa kaligtasan ng mga tao at hindi sa kanilang sarili. Katunayan, dahil sa ipinalabas nilang Valley Fault System (VFS) Atlas, o ang mapa na nagpapakita ng mga lugar, barangay, subdibisyon, bahay at paaralan na nasa ibabaw o malapit sa fault line, marami ang nagkaroon ng kaalaman at mas lalo silang magiging alerto kapag nagkaroon ng malakas na lindol. Huwag nating kalimutan ang nangyaring pinsala na idinulot ng bagyong Yolanda. May mga hindi naniwala sa babala sa malakas ng hangin na dala ng bagyo at marami ang hindi nakababatid sa tinatawag na storm surge o daluyong? Kaya naman napakalaki ng pinsala at napakaraming nasawi sa nangyaring hagupit ng bagyo. Pero mula nang maganap ang Yolanda at nakita nila ang hagupit ng super typhoon, mas alerto na tayo ngayon kapag may babala ng malakas na bagyo. Kaya hindi naman siguro masama kung parang nananakot ang PHIVOLCS sa pagsasabing maaaring maganap sa ating panahon ngayon ang “the big one”. Base na rin kasi sa mga isinagawang pag-aaral at pag-analisa ng mga dalubhasa, nakakakilabot ang pinsalang maaaring idulot ng isang napakalakas na lindol gaya ng tumama sa Nepal kamakailan na 7.8 magnitude at mahigit 8,000 katao ang namatay. *** Dahil siksikan ang tao sa Metro Manila at napakaraming gusali, ang lindol na may lakas na 7.2 magnitude ay pinapangambahang kumitil ng mahigit 30,000 katao sa loob lamang ng isang oras matapos ang unang malakas na pag-uga. Posibleng nasa mahigit 100,000 katao naman ang maaaring masaktan.
Mapuputol ang linya ng komunikasyon, transportasyon at kuryente, at maaaring magkaroon pa ng mga sunog.
Natural na hindi naman nais ng mga nagsagawa ng pag-aaral na magkatotoo ang kanilang pagtaya.
Ginawa nila ang pag-aaral para maging handa ang publiko at sangay ng gobyerno para makontra at hindi mangyari ang kanilang mga pinapangambahang maganap kapag nangyari ang malakas na paggalaw ng lupa.
Isang halimbawa na nga rito ang ginagawa ng PHIVOLCS na magpakalat ng impormasyon kung papaano mapag-iingat at kung ano ang dapat gawin kapag nangyari na ang lindol. Sa kanilang website, makikita kung saan ang mga lugar na tatamaan ng East Valley Fault (na nasa Rizal), at ang West Valley Fault (umaabot sa Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, at Laguna). Nagbigay din ng check list ang PHIVOLCS kung papaano malalaman kung kakayanin ng inyong bahay ang malakas na lindol, saan ang lugar na ligtas puntahan, at ano ang taktikang “duck, cover and hold” na madalas nating makita sa mga earthquake drill na makapagliligtas ng buhay. Tama na hindi natin alam kung kailan mangyayari ang lindol, pero mas mabuti na ang laging takot pero laging handa, kaysa maging kampante pero aligaga at hindi alam ang gagawin kapag naganap na ang “the big one”.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may2715/edit_spy.htm#.VWXDUM9Viko
|
Wednesday, May 27, 2015
Handa ka ba sa ‘the big one’? REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment