Unawain natin! | |
REY MARFIL
Sa halip na kahabagan, inulan ng batikos si Gng. Celia Veloso, ang ina ni Mary Jane, ang Pinay na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala umano roon ng iligal na droga. Pero sa halip na magpakumbaba kasi at pasalamatan ang mga nagdasal at tumulong sa kaso ng anak kaya hindi natuloy ang pag-firing squad, galit ang namutawi sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Kung pagbabatayan ang mga lumabas na ulat sa media, hindi maitatanggi na nagkumahog ang lahat -- maging ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa huling mga linggo mula nang dalhin na sa execution island si Mary Jane. Nagsimula ang maituturing na “last two minute” sa kaso ni Mary Jane nang ibasura ng korte ng Indonesia ang apela ng Pilipinas na muling marepaso ang kaso ng Pinay. Naging “last minute” na lang nang ibasura uli ng korte ng Indonesia ang ikalawang apela ng Pilipinas at dinala na nga si Mary Jane sa execution island, ang lugar kung saan isinasagawa ang firing squad sa mga bilanggong hinatulad nila ng kamatayan. Ngunit kung baga sa basketball, tila ang nalalabing segundo ng laban ay tila naaayon pa rin kay Mary Jane. Mantakin ba naman na ma-timing ang execution kay Mary Jane at walong iba pa, ilang araw bago ang ASEAN Summit. Dahil dito, nagkaroon pa ng pagkakataon na personal na makausap ni PNoy ang lider ng Indonesia na si Widodo. At dahil mahalaga kay PNoy ang buhay ni Mary Jane at nangako itong gagawin ang lahat ng paraan para siya matulungan, nilabag ng pangulo ng Pilipinas ang “protocol” o patakaran nang magpakumbaba siyang kausapin ang isang ministro para talakayin ang kaso ni Mary Jane. Isang araw bago ang takdang pagbitay, sumuko si Cristina Sergio, ang sinasabing recruiter at nanlinlang kay Mary Jane kaya nakapunta ito sa Malaysia at nakapagpasok ng droga sa Indonesia. *** Ang pagsuko na iyon ni Sergio ang isa sa mga huling segundong dahilan para maipagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane. Dahil may kasong isinampa ang gobyerno kay Sergio, ipinaliwanag ni PNoy sa Indonesia na kailangang manataling buhay si Mary Jane para malaman ang katotohanan sa kaso nito at matukoy ang sindikato sa likod ng pagkakalat ng iligal na droga na gumagamit ng mga ‘mule’. Mismong isang opisyal sa Indonesia ang nagsabi na ang pakiusap ni PNoy ang dahilan kaya ipinagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane. Pero para kay PNoy, hindi mahalaga kung sino ang tumanggap ng kredito sa pagkakaligtas ni Mary Jane. Ang mahalaga sa kanya ay hindi natuloy ang pagbitay at umaasa siyang hindi na iyong maitutuloy pa. Bukod sa pagkilos ng pamahalaan, hindi rin maalis ang suporta ng mga taong nagdasal para sa kaligtasan ni Mary Jane, at pati na ang pagkilos ng mga pribadong indibidwal, kasama na ang mga human right advocates. Batid ng mga tao ang sama-samang pagkilos para maisalba si Mary Jane. Kaya naman hindi maiiwasan na magalit ang publiko -- gaya ng netizens -- nang magbitiw ng masasakit na salita ang ina ni Mary Jane na si Aling Celia na nagsabing “maniningil sila sa gobyerno” dahil walang ginawa sa kaso ng kanyang anak. Anuman ang nangyari sa nakalipas na taon habang dinidinig ang kaso ni Mary Jane, ang higit na mahalaga ay hindi natuloy ang pagbitay sa kanyang anak at patuloy pa nila itong makakausap. At kung papalarin, kung mapapatunayan na si Sergio talaga ang may kasalanan, baka muli pa nilang makapiling si Mary Jane. Sana lang, gaya ng gobyerno na nangakong gagawin ang lahat para tuluyang masagip ang buhay ni Mary Jane, huwag ding bibitiw ang mga taong nais sarilinin ang kredito at patuloy ding kumilos para hindi na maibalik sa execution island ang ating kababayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may0615/edit_spy.htm#.VUoQjvlViko
|
Wednesday, May 6, 2015
Unawain natin!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment