Wednesday, April 29, 2015

‘Di dapat kunsintihin ng ASEAN REY MARFIL



‘Di dapat kunsintihin ng ASEAN
REY MARFIL

Sinimulang buuin ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong 1967 kung saan 10 bansa na ang kaanib; kabilang ang Pilipinas at China na lalong tumitindi ang sigalot sa usapin ng agawan sa teritoryo sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) o South China Sea.

Maliban sa Pilipinas, kagirian din ng China sa agawan ng teritoryo sa WPS na halos buong inaangkin ng Beijing ang iba pang maliliit na bansa na kasapi ng ASEAN na Malaysia, Vietnam, Brunei at maging ang Taiwan.

Sinasabing motto ng ASEAN ang “One Vision, One Identity, One Community.” Layunin ng binuong samahan na isulong ang pagkakaibigan ng mga bansang kasapi, at magtulungan para sa kapakanan ng mga kababayan ng bawat nasyon, tungo sa kalayaan, kaunlaran at kapayapaan.

Ang malaking tanong – para ba sa kapayapaan ng rehiyon ang ginawang pag-angkin ng China sa halos buong WPS? Tama ang ginagawa nilang pambabarako sa mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas at Vietnam para magtayo ng mga isla? Makatao ba na itaboy at bombahin nila ang mga payak na mangingisda sa teritoryo na hindi naman kanila?

Sa ganitong dahilan, tama lang ang ginawa ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na direktang idinulog niya sa ASEAN meeting na ginanap sa ­Malaysia ang ginagawa ng China. Aminin man o hindi ng mga bansang kasapi ng ASEAN, madadamay o maa­apektuhan sila anuman ang kahinatnan ng ginawang reclamation ng China sa WPS.

***

Hinala ng mga eksperto, layunin ng China na palakasin ang puwersang militar nila sa pagkontrol sa WPS kaya nagtatayo ang mga ito ng tila mga base sa karagatan na mahalagang daanan ng komersiyo sa buong mundo. Kaya naman maliban sa pag-angkin ng China ng teritoryo na hindi kanila, magdudulot din ng tensiyon kapag kinontrol ng China ang daloy ng mga sasakyang pandagat sa WPS.

Dapat alalahanin ng ASEAN countries na lumagda rin ang China sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea o DOC noong 2002. Pero dahil sa paniwala na sinasadya ng China na maantala ang pagbuo ng panuntunan ng DOC, hanggang ngayon ay hindi pa ito nagagawa ng ASEAN.

Pero habang wala pa ang opisyal na dokumento, ang pagpirma ng China sa DOC ay malinaw na pagsang-ayon na rin nila sa kasunduan — ang kasunduan na malinaw naman na hindi nila sinusunod.
Sa halip na usapin na magpapalakas sa kalakalan sa ekonomiya para sa mga bansang kasapi ng ASEAN ang matalakay sa pagpupulong sa Malaysia, natabunan ito ng ginagawang pambabarako ng China.
Patunay lang ito na hindi dapat balewalain ng ASEAN ang problema sa WPS dahil apektado ang lahat.

At kung palalampasin ng ASEAN ang ginagawang pambabarako ng China sa maliliit na bansa na kasapi nila, kanino pa lalapit at magsusumbong ang kanilang mga miyembro? Ilagay din kaya ng ASEAN ang kanilang sarili sa sitwasyon ng Pilipinas at Vietnam, ano kaya ang kanilang gagawin?

May gustong patunayan ang China para sa sarili nilang bansa kahit sagasaan nila ang mga kapitbahay nilang bansa. Sa ganitong sitwasyon, dapat gumawa ng hakbang ang ASEAN at ipakita ang dahilan kung bakit binuo ang samahan.

Laging tandaan
: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/apr2915/edit_spy.htm#.VUDW2iFViko

No comments: