Monday, September 1, 2014

Huwag sayangin ang pagkakataon


                                                       Huwag sayangin ang pagkakataon  
                                                                     Rey Marfil

Sa wakas, sinagot na ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang kontrobersiyal na usapin tungkol sa Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng mga mahistrado na matagal nang hinihiling ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Ang kaso, tila wala pa ring balak ang mga nasa hudikatura na pagbigyan ang hiling ni Commissioner Kim Henares.

Kamakailan lang kasi ay pinal na pinakuan na ng SC ang ataul para sa petisyon ni Henares na mabigyan ang BIR ng kopya ng SALN ng mga mahistrado. At sa nakaraang panayam ng mga mamamahayag kay Sereno, pinanindigan niya ang kanilang pasya na huwag basta magpakita ng kanilang SALN na naglalaman ng kanilang mga ari-arian.

Katwiran ng punong mahistrado, kailangan nilang protektahan ang kanilang sarili dahil maaaring magamit laban sa kanya at iba pang mahistrado ang kanilang SALN. Wala rin daw basehan ang hirit ng BIR para sa kanilang SALN, at tungkulin din nilang protektahan ang kanilang institusyon.

Pero teka, tanong ng kapitbahay nating kurimaw, kalaban ba ang tingin ng SC sa BIR?
Ayon pa kay Sereno, wala naman daw silang itinatago para pagdudahan. Sobra na nga raw mabusisi ang SALN at alam na ng publiko kung ilan ang kanilang sasakyan at kailan nairehistro.

Aba’y kung ganoon naman pala, anong dahilan bakit hindi nila pagbigyan ang BIR? Kung ayaw ng SC bilang isang institusyon na ilabas ang kanilang SALN, bakit hindi na lang magboluntaryo ang bawat mahistrado na isapubliko ang kanilang SALN sa ngalan ng “transparency”?

At bilang pinuno ng SC, at napili ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na maging Punong Mahistrado, mukhang magiging magandang halimbawa si Sereno na manguna sa boluntaryong hakbang na ito.

Huwag sana nating kalimutan na ang pinalitan ni Sereno na si dating Chief Justice Renato Corona ay napatalsik sa puwesto dahil sa hindi nito pagdedeklara ng tamang mga ari-arian sa kanyang SALN. At kung nagkaroon ng batik o mantsa ang reputasyon ang hudikatura dahil dito, marapat lang sigurong hindi na maulit ito.

***

Kahit pa sabihin na mukhang gusto ni Henares na makatsamba ang BIR sa ginawang imbestigasyon tungkol sa umano’y suhulan sa mga korte bunga ng koneksiyon ng tinatawag na isang “Ma’am Arlene”,  hindi naman makatutulong sa imahe ng SC kung patuloy nilang ipagkakait ang kopya ng kanilang SALN.

Totoo nga naman na bugbog na ang SC dahil huwag din nating kalimutan na kinukuwestiyon ng ilang mambabatas ang Judicial Development Fund (JDF) kung papaano ginagastos ng hudikatura ang naturang pondo.

Kung nagagawa ng SC na pasukin ang lahat ng usapin gaya ng pagsilip sa paggastos ng gobyerno ng pondo tulad ng ginawa nila sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program o DAP, sino ang pupuwedeng sumilip sa paggamit ng pondo ng SC?

Dahil sa ganitong mga sitwasyon, hindi nakapagtatakang kung may mga pumapabor sa pananaw ni Pangulong Aquino na panahon na para bisitahin ang Saligang Batas ng bansa at silipin ang mga probisyon, at baguhin kung kinakailangan patungkol sa umano’y labis na kapangyarihan ng hudikatura na panghimasukan ang kapantay nitong sangay na lehislatura at ehekutibo.

At sa mga nagsusulong ng Freedom of Information (FOI) bill na sinasabing paraan para mapalakas ang transparency sa pamahalaan, ano ang garantiya na hindi ito ide­deklarang labag sa batas at ibabasura sakaling makarating sa SC kapag may kumuwestiyon? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: