Wednesday, September 3, 2014
Bata, bata, may bakuna ka na ba?
Bata, bata, may bakuna ka na ba?
Dapat ihanda na ng mga magulang ang linyang, “parang kagat lang ‘yan ng langgam.” Ito ay para sa gagawing pagpapabakuna sa kanilang mga anak ngayong sinimulan na ng pamahalaang Aquino ang malawakang immunization program para sa mga bata.
Sa loob ng isang buwan ngayong Setyembre, target ng programa na maabot at mabakunahan ng panlaban sa tigdas at polio ang may 95 porsiyento ng mga bata na siyam na buwang gulang hanggang limang taong gulang sa buong bansa.
Hindi naman dapat mag-alala ang mga magulang dahil LIBRE ang bakuna. Dapat lang na dalhin nila sa mga health center ang mga bata para mabakunahan at mapainom (patak) ng kinakailangang gamot upang mabigyan sila ng panlaban sa dalawang peligrosong sakit na nag-iiwan din ng permanenteng kapansanan sa katawan patikular ang polio.
Bukod sa mga health center, may mga government health workers din na ipakakalat si Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona para magbahay-bahay at magsagawa ng immunization program lalo na sa mga malalayong komunidad.
Isa rin naman kasi ito sa hangarin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ilapit at dalhin ng gobyerno ang serbisyo sa mga tao lalo na sa mga mahihirap na komunidad. Habang ang iba ay nagbabangayan sa pulitika, ang pamahalaan, tuloy lang sa pagkakaloob ng serbisyo na kailangan ng kanyang mga “boss” na mamamayang Pilipino.
***
Katunayan, sa isinagawang paglulunsad ng programang ito, hindi na binasa ni PNoy ang inihandang talumpati ng kanyang mga tauhan dahil may kahabaan. Nais kasi ng Pangulo na gawin lang na maigsi ang kanyang sasabihin at nang maisagawa na agad ang trabaho sa pagbabakuna.
Mas kailangan nga naman sa ganitong programa ang gawa o aksyon at hindi daldal. Dahil ginawa lang ni PNoy na maigsi ang kanyang talumpati, mas naging mabilis at mas marami ang batang nabakuhan nang araw na iyon at makaliligtas na sila sa panganib ng tigdas at polio.
Simple lang naman ang layunin ni PNoy at DOH sa isinagawang malawakang immunization program na ito – preventive is better than cure. Mas mabuting mabigyan ng bakuna at gamot ang mga bata para hindi magkasakit. Kaysa naman magkumahog sa paghahanap ng lunas sa bata kung kailan tinamaan na ng sakit.
Kahit polio-free na ang Pilipinas sa nakalipas na mga taon, kailangan pa rin na mabigyan ng oral anti-polio vaccine ang bata dahil may mga bansa pa rin na may kaso ng polio. At maaaring madala ng mga dayuhan na pumupunta sa Pilipinas ang virus na pinagmumulan nito kaya mabuti na rin ang may panlaban na ang katawan ng mga batang Pinoy.
Samantala, mula noong 2011, nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng tigdas dahil na rin sa paniwala na naging mababa ang coverage ng vaccination campaign noong 2011 na nasa 84 percent lang. Pero sa paglipas ng taon, tumataas na ito at nais nga ng pamahalaan na umabot sa hindi bababa sa 95 percent ang mga bata na masasakop ng bakuna ngayong Setyembre.
Kaya kung mahal natin ang ating mga anak, dalhin sila sa mga health center para mabakunahan at makipag-ugnayan sa ating mga barangay para malaman kung ano ang dapat gawin upang makinabang sa mahalagang programang ito ng pamahalaan para sa mga bata.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment