Friday, September 5, 2014
Pinabayaan noon, inaayos ngayon!
Pinabayaan noon, inaayos ngayon!
Magandang balita ang 6.4 porsiyentong paglago ng ekonomiya ng bansa sa ikalawang quarter ng taon dahil sa malakas na sektor ng industriya at serbisyo, at matikas na remittances ng overseas Filipino workers (OFWs).
Mula April hanggang Hunyo ng 2014, mas malakas ang naitalang paglaki ng gross domestic product (GDP) kumpara sa 5.6 porsiyento sa first quarter ng taon.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, maikukumpara ang 6.4 porsiyentong paglago sa GDP ng bansa sa naitala ng Malaysia sa unang quarter ng taon.
Sa tulong ng matuwid na daan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino naniniwala si Balisacan, director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA), na maitatala ng bansa ang 6.5 hanggang 7.5 porsiyentong paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon.
Tumaas ang pribadong konstruksyon ng 12.7 porsiyento sa second quarter ng taon kumpara sa nakalipas na taon habang humina naman ang pampublikong konstruksyon dala ng mga kautusan ng Supreme Court (SC) na nagbawal sa ilang paggastos ng pamahalaan.
Nakapagtala rin ng pag-angat ang halos lahat ng sektor sa larangan ng suplay. Umangat rin ng 3.6 porsiyento ang sektor ng agrikultura na mas malaki ng 0.2 porsiyento sa second quarter ng 2014 dahil sa lumaking ani.
Namayagpag rin ang sektor ng industriya na umangat ng 7.8 porsiyento. Anim na porsiyento naman ang inasenso ng sektor ng serbisyo dahil sa abalang aktibidad sa larangan ng trade, real estate, transport, storage at communications, at iba pa.
Asahan nating lalong lalago pa ang ekonomiya ng bansa sa kapakinabangan ng nakakaraming Pilipino sa pagtatapos ng taon dahil sa matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy.
***
Tiniyak din ng pamahalaan na masisimulan sa lalong madaling panahon ang mga proyekto ng mass transit system na libre sa katiwalian.
Bagama’t maraming aberya dahil napabayaan sa mahabang panahon at hindi prayoridad ng dating nakaupo, magsisimula sa termino ni PNoy ang pagbuti sa kalagayan ng mga mananakay ng Metro Rail Transit (MRT).
Tama ang pamahalaan na madaliin ito dahil lubhang mahalaga para sa publiko ang maayos at mabuting serbisyo ng mass transport system para sa pagsusulong ng ekonomiya ng bansa, lalung-lalo na sa Metro Manila.
Kabilang sa mga proyektong nakalinya na ang MRT-7 na tatakbo simula sa North Avenue sa Quezon City patungong San Jose del Monte, Bulacan. Kasama rin ang ekstensyon ng MRT Line 1 at karagdagang coaches para mahanapan ng solusyon ang lumalaking bilang ng mga mananakay.
Isasagawa ang konstruksyon ng mga pangunahing proyekto sa ilalim ng tinatawag na public-private partnership (PPP). Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga malalabo ang mga mata sa ginagawang transpormasyon sa gobyerno, kapalaran ni PNoy ang maging taga-kumpuni ng sira at taga-tuwid ng baluktot subalit sadyang “feeling-henyo” lamang ang mga ito na walang ginawa kundi “magkiyaw-kiyaw” at magpainterview!
Kailangan lang natin ng kaunting pasensya dahil hindi naman nagpapabaya ang pamahalaan sa pagtiyak na magiging maayos ang serbisyo ng MRT, kabilang dito ang pagbili ng karagdagang mga bagon na makukuha na simula sa susunod na taon.
Sa pagsusumikap nga ng pamahalaan na mapabuti ang kalagayan ng mga mananakay, binuksan ang ferry service sa kahabaan ng Pasig River upang makatulong sa pagsisikip ng pangunahing mga lansangan sa Metro Manila dahil sa mga isinasagawang mga proyekto.
Malinaw: Hindi magpapabaya ang administrasyong Aquino sa pagsusulong ng mga proyekto para matulungan ang mga mananakay.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment