Friday, September 12, 2014

Para sa mga senior!


                                                                
                                                              Para sa mga senior!  
                                                                    Rey Marfil


Hindi ba’t kapuri-puri ang paglalaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ng P4.8 bilyon upang pagkalooban ng P500 buwanang allowance ang 739,609 mahihirap na senior citizens sa susunod na taon.

Nalaman natin kay Makati City Rep. Abby Binay na mas malaki ito ng 53.2 porsiyento kumpara sa kasalukuyang taong pondo sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Filipino Citizens. Nakapaloob ito sa P2.606-trilyong General Appropriations Act (GAA) para sa 2015.

Magandang balita ito dahil lalong inaasahang lalaki ang bilang ng mga matatanda na makikinabang sa programa, kabilang ang mga nasa edad 65 hanggang 76.

Makakatulong ang pondo sa mga matatanda na nakakakuha lamang ng maliit na suporta o talagang wala mula sa kanilang mga kamag-anakan.

Umaayon din ang programa sa mandato ng Saligang Batas ng 1987 at Expanded Senior Citizens Act na pagkalooban ng serbisyo ang mga matatanda.

Sa ngayon, kabilang sa nasa prayoridad para sa P500 buwanang allowance ang seniors na nasa edad 77 pataas at hindi nakakatanggap ng pensiyon alinman sa Social Security System, Government Service Insurance System o anumang retirement fund at mahina, maysakit at walang permanenteng kinikita.

Naglaan din ang pamahalaan ng P3.3 bilyon sa 2015 pambansang badyet para sa pneumococcal vaccination ng 1.4 milyong senior citizens at 429,000 sanggol. Sakop din ng pondo ang bakuna para sa 2.2 milyong mga bata.

Sa ilalim ng 2015 pambansang badyet, maglalaan din ng pondo ang state-run Philippine Health Insurance Corp. sa subsidya sa health insurance ng 15.4 milyong mahihirap na mga pamilya, kabilang ang senior citizens at mga bata.

Hindi pa kasama rito ang regular na 20 porsiyentong diskuwento ng senior citizens sa pagbili ng goods at serbisyo at iba pang benepisyo alinsunod sa Expanded Senior Citizens Act.

***

Sa tulong ng matuwid na pamahalaan ni PNoy nagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maitaas ang bilang ng mga nagsipagtapos ng mga kursong techvoc sa bansa.

Magandang balita ang iniulat ni TESDA director general Joel Villanueva na umabot sa anim na milyon ang mga nakatapos ng techvoc sa nakalipas na apat na taon.

Mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2014, naiulat ng TESDA ang kabuuang 6,281,328 techvoc graduates. Napakalaki ng naturang datos kumpara sa naitalang 15 milyong techvoc graduates mula 1986 hanggang 2010.

Bukod dito, ibinunyag ni Villanueva na mahigit sa tatlong milyong techvoc graduates ang nakakuha ng mataas na performance alinsunod sa isinagawang assessment.

Nagkaroon kasi ng malaking bilang ng mga nagsipagtapos sa mga kursong techvoc dahil na rin sa malaking pangangailangan sa skilled workers dito at sa ibang bansa.

Iyun naman ang napakaganda dahil agarang nakakakuha ng trabaho ang TESDA graduates at hindi nag­ging istambay. Naitala nga sa 65.3 porsiyento ang employment rate ng techvoc graduates na pinakamalaki sa kasaysayan ng ahensiya.

Pinakamalaki ang employment rate na 91.4 porsiyento sa mga nagsipagtapos ng electronics and semiconductor program habang 70.9 porsiyento ang mga nagtapos ng mga kursong may kinalaman sa information technology-business process management.

Asahan na natin na lalong ipagpapatuloy ni Villanueva ang magandang ginagawa nito alinsunod sa mandato ng TESDA na itaas ang kalidad ng techvoc courses sa bansa.

Paunti-unti, nagawa ni Villanueva na maipakita ang malaking potensiyal ng techvoc courses upang hanapan ng solusyon ang problema sa kawalan ng trabaho. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: