Monday, September 22, 2014

Napapanahong biyahe!




                                                                 Napapanahong biyahe! 
                                                                      REY MARFIL


Produktibo at napapanahon ang ginawang working visit ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Europa upang mapalakas ang diplomatikong ugnayan sa mga bansang kasapi nito at maipabatid na rin ang nangyayari sa pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS) o South China Sea (SCS).

Dahil sa pagtungo ni PNoy sa Europa upang makahikayat din ng mga nais mamuhunan sa Pilipinas na tinatawag na “Next Asian Tiger”, naipaliwanag natin sa mga bansang kasapi ng European Union (EU) ang ginagawang hakbang ng Pilipinas upang mapayapang malutas ang pag-aagawan sa teritoryo sa WPS o SCS.

Bilang trading partner ng China, importante na ma­laman ng Europa ang ginagawa ng China sa WPS o SCS gaya ng mga paglalagay nito ng istruktura at paggawa ng artipisyal na isla sa teritoryo na hindi naman sa kanila.

Katunayan, nasurpresa ang ilang lider ng Europa dahil hindi sapat ang impormasyon na nakararating sa kanila tungkol sa nangyayari sa WPS o SCS. Maging si Spanish King Felipe VI ay interesado umanong malaman ang sitwasyon at nangyayari sa pinag-aagawang karagatan.

Dahil malaking trading partner ng Europa ang China, hindi nakapagtataka kung mas madalas na ang panig lang ng Tsino ang marinig ng mga bansang kasapi nito. Pero dahil sa ginawang pagbisita ni PNoy sa EU, naiparating natin ang bahagi o panig ng Pilipinas, at sa pamamagitan ng mga dokumentasyon gaya ng mga larawan, nakita nila ang totoong ginagawa ng China.

Nagbigay naman ng katiyakan si European Commission President Jose Manuel Barroso, na suportado nila ang anumang hakbang na lutasin sa mapayapang paraan at hindi sa dahas ang sigalot sa WPS o SCS. Maganda itong balita dahil ito rin naman ang posisyon ng Pilipinas kaya naghain tayo ng arbitration case sa International Tribunal.

***

Positibong balita rin ang pagpapalabas ng EU ng bagong maritime strategy, dahil magagamit ng mga malalakas na bansa tulad ng Europa ang kanilang impluwensiya para obligahin ang ibang bansa na sumunod at igalang ang pandaigdigang kasunduan sa paglalayag at teritoryo sa karagatan.

Ngunit bago pa mag-isip ang China na nagsusumbong tayo sa EU, sinabi ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, na ang mga lider sa Europa ay sadyang interesado na malaman ang nangyayari sa WPS o SCS.
Katunayan, sa mga pulong bilang paghahanda bago ang pagdating ni PNoy sa Europa, lagi daw kasama at huling itinatanong ng mga lider sa EU ang tungkol sa agawan sa teritoryo.

Patunay ito ng hangarin ng mga lider ng EU na makakuha sila ng sapat na impormasyon mula sa Pilipinas tungkol sa usapin na direktang galing sa ating mga lider at hindi lang base sa nakakalap o ibinibigay sa kanilang impormasyon.

Pero maliban sa paglapit natin sa EU leaders tungkol sa usapin ng WPS o SCS, maganda ring pagkakataon ang pagtungo doon ni PNoy para mahikayat ang ibang negosyante na mamuhunan sa Pilipinas at samantalahin ang masiglang kalakalan sa bansa.

Bukod pa diyan ay nabigyan din ng pagkakataon ang mga kababayan nating naninirahan at nagtatrabaho na sa Europa na makita si PNoy at kahit papaano ay makapagbigay ng kasiyahan at kaunting pride na ang kanilang Pre­sidente ay panauhin ng bansa na kanilang kinaroroonan.

Laging tandaan:
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: