Friday, September 26, 2014

Kapag hitik nga naman ang bunga




                                                        Kapag hitik nga naman ang bunga  
                                                                        Rey Marfil


Walang duda, namumunga na ang ekonomiya ng bansang Pilipinas. Kaya naman hindi katakataka kung may ibang sektor na mula sa ibang bansa na binabato ang ating puno para bumagsak ang bunga at pakinabangan nila.

Isang halimbawa nito ang pagpapalabas ng “travel advisory” o “warning” ng isang bansa dahil delikado raw ang kanilang kababayan kapag nagpunta sa Pili­pinas. Huwag na nating banggitin ang pangalan ng bansang ito.

Pero sa totoo lang, mas delikado ang bansa natin sa ilan nilang kababayan na gumagawa ng kalokohan dito sa bansa natin lalo na iyong mga gumagawa at nagkakalat ng iligal na droga.

Pero dahil sa travel advisory nila, nabawasan ang bilang ng kababayan nilang namamaslang sa Pilipinas.
Nataon ang babala ngayong “Ber” months na marami sa kanilang kababayan ang nais magbakasyon sa ating mga beach lalo na sa Boracay.

Ayaw isipin ng ating kurimaw sa kanto, baka taktika lang daw ang travel advisory para mapigilan ang kanilang kababayan na magtungo sa Pilipinas at mabawasan ang patuloy na paglago ng ating turismo.

***

Isa pang bunga ng pinapukol ngayon ay ang ating business process outsourcing (BPO), na isa sa talaga namang nagpapalago sa ating ekonomiya, kasama ng turismo.

Gaya ng madayang boksingero, parang suntok na “below the belt” ang binitawan ng kompanyang Aegis Malaysia sa ipinalabas nilang advertisement laban sa Pilipinas. Kulang na lang ay duraan nila ang Pilipinas sa naturang anunsiyo na ang layunin at mahikayat ang BPO industry sa Pilipinas na lumipat sa Malaysia.

Nakakagalit ang naturang advertisement pero nilinaw na ng bansang Malaysia na wala silang kinalaman tungkol dito. Maging ang kumpanyang Aegis Limited, humingi ng paumanhin at sinabing hindi nila aprubado ang naturang anunsiyo.

Ngunit sa kabilang banda, pagpapatunay ito na sadyang malaki at nangunguna na ang BPO industry ng Pilipinas sa buong mundo kaya napapansin ng ibang negosyante sa ibang bansa at nais nilang makuha.

Bukod dito, naipakita ng mga Pinoy -- lalo na ng mga netizens -- ang pagmamalasakit at pagpapahalaga nila sa Pilipinas at sa industriya ng BPO sa ginawang pagbatikos sa naturang ads. Aba’y napakarami yatang kababayan natin na aktibo na sa internet kaya madali nilang nakita at natuligsa ang naturang mapanirang ads.

Ang pamahalaan ng Malaysia at maging ang Aegis Limited, naglabas ng pahayag ng suporta sa Pili­pinas na pagpapakita ng hindi nila pagsang-ayon sa anunsiyo ng Aegis Malaysia.

Sa kabila naman ng kontrobersiya, ginagarantiyahan ng pamahalaang Aquino na ginagawa nito ang lahat para manatiling nangunguna ang Pilipinas sa BPO at mapangalagaan ang mga taong nasa industriyang nagbibigay ng daan-daang libong trabaho sa mga Pilipino.

Gaya ng slogan sa turismo, “It’s More Fun” na mamuhunan at magnegosyo ngayon sa Pilipinas dahil na rin sa mga repormang ipinatupad ni Pangulong Aquino. Partikular na rito ang kampanya laban sa katiwalian na irereklamo noon ng mga negosyante.

Patuloy din naman ang pagpapahusay sa mga proyektong pang-imprastruktura at iba pang usapin tungkol sa kaayusan para mapangalagaan at matiyak ang kaligtasan ng lahat habang nasa ating bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: