Wednesday, September 17, 2014

Magtiwala, alisin ang duda




                                                            Magtiwala, alisin ang duda  
                                                                    REY MARFIL


Matapos ang ilang taon na negosasyon, diskusyon, paghimay at pag-aaral sa legalidad, isinumite na ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Kongreso ang draft ng Framework Agreement para sa aaprubahang Bangsamoro Basic Law (BBL) na pagmumulan ng bagong pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao.

Ang pagsusumite ni PNoy ng 122-pahinang BBL sa Kongreso ay pagpapatunay na desidido at tapat ang kasalukuyang pamahalaan at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magtulungan upang makamit ng Mindanao ang katahimikan at kaunlaran sa rehiyon.

Pero paglilinaw ni PNoy, ang BBL na magiging daan para malikha ang Bangsamoro entity na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ay para sa lahat ng Pilipino at hindi lang para sa isang partikular na sektor.

Bakit nga naman hindi, kung aasenso ang Mindanao at magkakaroon ng ganap na katahimikan, tiyak na lalakas ang turismo, negosyo at ekonomiya sa rehiyon. Kung wala nang kaguluhan at giyera sa Mindanao, magagamit ng pamahalaan sa ibang proyekto at programa ang pondo na nagagastos sa pagbili ng mga armas at bala na pambomba sa mga rebelde at bandido.

Idagdag pa natin ang malaking gastos din ng pamahalaan sa pagtulong sa mga kababayan natin na lumilikas sa kanilang tahanan at nagtutungo sa mga evacuation centers upang makaiwas sa kaguluhan. Isaalang-alang din natin ang mga buhay na nasasayang at pangarap na mawawasak na idinudulot ng digmaan sa Mindanao.

Sa pamamagitan ng BBL, tutugunan nito ang anumang kakulangan sa ipinasang batas noon na lumikha sa ARMM na hindi ganap na naging susi para umunlad ang rehiyon at makamit ang katahimikan ng mga kababayan natin sa rehiyon.

Hindi naman natin maiiwasan na may ilan na magdududa sa legalidad ng BBL kung naaayon ba ito sa ating Saligang Batas. Iba pa diyan siyempre ang mga sadyang kokontra sa ngayon ng kagustuhan lang na komontra. Mayroon din naman na papalag at nais masabotahe ang layuning ito ni PNoy dahil sa kanilang personal na interes.

Subalit sa usapin ng legalidad o kung naaayon ba sa ating Saligang Batas ang BBL (na una nang tiniyak ni PNoy na walang lalabaging batas ang BBL), hayaan natin na matalakay ito ng ating mga mambabatas habang hinihimay nila ito sa Kongreso. Baka nga umabot pa ito sa Korte Suprema pero ipagdasal na lang natin na maging mabilis ang pagdadaanan nitong proseso dahil hindi na natin dapat pang paghintayin ang katahimikan sa Mindanao.

***

Samantala, dapat namang maging mapagmatyag at maingat ang ating mga kababayan doon sa mga manana­botahe at gagawa ng intriga at magpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa BBL at bubuuing Bangsamoro entity para maisulong lang ang personal nilang hangarin.

Sa panig ng ating gobyerno, dapat din sigurong pa­kilusin nang husto ang intelligence community nito para maagapan at mapigilan kung sakaling may grupo na maghahasik na naman ng lagim para perwisyuhin ang isinusulong na kasunduan ng pamahalaan at MILF. Hindi na dapat maulit pa ang nangyaring pag-atake ng ilang armadong tagasuporta ni Nur Misuari sa Zamboanga City, na hanggang ngayon ay marami pa rin sa ating mga ino­senteng kababayan ang nagdurusa.

Sakaling maaprubahan ng Kongreso ang BBL bago matapos ang taong ito ng 2014, maganda itong regalo ng mga mambabatas sa ating bansa. Kung hindi naman nila maihabol ngayong taon dahil abala sila sa pagdinig ng 2015 national budget, puwede naman siguro nilang maipasa ang BBL sa unang bahagi ng 2015.

Laging tandaan:
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: