Wednesday, September 10, 2014
Good cops at responsible good netizens
Good cops at responsible good netizens
“Like.” Ito ang dapat nating gawin sa kahanga-hangang nagawa ng netizen na kumuha ng larawan tungkol sa tutukan ng baril sa EDSA. Nang i-upload niya ang larawan sa kanyang social media account, nag-viral o kumalat ito sa internet na ang naging resulta ay pagkakabisto ng isang karima-rimarim na modus-operandi ng mga bugoy na pulis.
Minsan pa, naipakita ng social media at internet ang kabutihang dulot ng modernong teknolohiya kung magagamit nang tama. Hindi iyong gawain ng ibang kurimaw na netizens na panakaw na kumukuha ng larawan sa ilalim ng palda ng babae at ia-upload sa internet o kaya naman ay mga technician na dedekwatin ang sex video ng kliyente nilang nagpagawa lang ng cellphone o laptop at pagkatapos ay ia-upload ang sex video sa internet.
Pero kung may mga buraot o iresponsableng netizens, naniniwala ako na mas marami ang matino at responsable sa paggamit ng kanilang kapangyarihan gamit ang kanilang dalari at armado ng wifi o internet connection.
Isipin ninyo mga ‘tol, kung walang nakakuha ng larawan sa nangyaring iyon ng tutukan ng baril sa EDSA noong nakaraang linggo, aba’y malamang nagha-happy-happy pa sa sauna bath at night club ang mga sinasabing pulis-Quezon City na sangkot sa umano’y hulidap con kidnap. Hindi yata maliit na halaga ang P2 milyon na sinasabing nakuha ng mga suspek sa kanilang biktima.
Para sa mga hindi pa nakakaalam sa nabanggit nating insidente, noong nakaraang linggo ay kumalat sa Facebook o naging viral ang larawan tungkol sa isang SUV na pinalibutan ng iba pang sasakyan at may mga armadong lalake na tumutok ng baril.
Dahil walang nakakaalam kung iyon ba ay shooting lang sa pelikula, o kidnapping ba o lehitimong police operation, ang mga kababayan nating netizens at maging ang media ay naging pursigido na malaman ang kasagutan.
***
Pagkaraan nga ng may isang linggong imbestigasyon ng ating mga matitinong pulis, lumabas na ang kasagutan at nabistong may mga aktibong pulis na sangkot sa kalokohang iyon. Ang tanong, iyon kaya ay unang beses lang ginawa ng mga suspek? Dahil kung dati na nila iyong ginagawa at kung hindi natutukan ng netizens, aba’y malamang na maulit pa.
Batay na rin kasi sa imbestigasyon ng ating mga matitino at tapat na mga pulis na sumusunod sa “daang matuwid” ni Pangulong Noynoy Aquino, sinabing nag-atubiling magsumbong ang mga biktima dahil nga mga pulis ang sangkot. Kaya naman napakahalaga ng impormasyon na ibinigay ng larawang kumalat sa social media para magkaroon ng “lead” na susundan sa imbestigasyon ng ating mga malilinis na pulis.
Sa totoo lang, marami ring negatibong komentong lumabas patungkol sa ating mga pulis dahil sa insidenteng iyon sa EDSA. Pero sa totoo lang mga kabayan, tingnan din natin ang kabilang bahagi ng eksena – hindi ba mga pulis din ang nakabisto sa kalokohan ng kanilang mga kabaro? Bagama’t nakakalungkot dahil sariling mga tauhan ang sangkot, good job kay General Albano, talagang hinimay ang bawat detalye sa nakunang litrato!
Sadyang hindi kaagad natin maiaalis ang mga bulok na pulis sa institusyon, subalit hangga’t marami pa rin naman ang matitinong pulis at handang sumunod sa direktiba ni PNoy na linisin ang hanay ng kapulisan, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Kung may mga responsableng netizens, mayroon ding matitinong pulis.
Tandaan natin na hindi naman ito ang unang insidente na may mga pulis na sangkot sa umano’y iregularidad pero nabisto rin ang kalokohan nila ng kanilang mga kabaro sa ilalim ng administrasyon ni PNoy at sila’y nakasuhan.
Kaya hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at patuloy tayong magtiwala sa kapulisan. At sa tulong ng modernong teknolohiya, ang mga responsableng netizens ang magiging pinalakas na kakampi ng mga matitinong alagad ng batas para masugpo ang mga bugok na pulis at mga kriminal.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment