Monday, September 15, 2014

Paghahanda sa krisis sa enerhiya



                                                          Paghahanda sa krisis sa enerhiya  
                                                                   REY MARFIL


Sa susunod na taon, pinangangambahan na baka magkaroon ng kakulangan sa suplay ng enerhiya sa bansa na aabot ng 300 hanggang 1,000 megawatts (MW) na makaa­apekto sa mga residente sa Luzon, lalo na sa Metro Manila.

Upang maagapan ito, hihingi sa Kongreso ng kapangyarihan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino upang mapahintulutan siyang pumasok sa mga kontrata sa po­wer sector upang mapunan ang tinatayang kakulangan sa suplay ng kuryente.

Pero siyempre, baka bumanat na naman ang mga kritiko na tamang duda o tamang hinala na babatikos ­pero walang irerekomendang solusyon sa problema. Baka may magpapasakalye na naman ng kanilang hinala na may mga opisyal lang na gustong kumita sa mga papasuking kontrata.

Malamang na may mga magpalutang din na baka maulit ang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos na nabigyan din noon ng emergency power na pumasok sa mga Independent Power Produ­cers o IPPs para maagapan ang power crisis.

Ang kaso, natapos na ang termino ni Ramos bilang Pangulo ay pinapasan pa ng mga konsumer ang gastos sa mga IPPs na hindi naman nagamit ang enerhiya dahil sa sobra ang pinasok na kontrata.

Pero noon iyon, iba na ang panahon ngayon lalo pa’t ang hihinging karagdagang kapangyarihan ni PNoy ­para matugunan ang nakaambang power crisis ay alinsunod lamang sa itinatakda ng the Electric Power Industry ­Reform Act of 2001 (EPIRA).

Nakasaad sa Section 71 ng EPIRA na, “[u]pon the determination by the President... of an imminent shor­tage of the supply of electricity, Congress may authorize, through a joint resolution, the establishment of additio­nal generating capacity under such terms and conditions as it may approve.”

Bukod sa kilalang masinop si PNoy sa detalye kung ilan lang dapat talaga ang kukuning reserbang power supply, kasama rin ang mga mambabatas sa Senado at Kamara na bubusisi sa usapin ng power supply at contract para lubos na mapag-aralan ang kinakailangan hakbang ng gobyerno.

***

Tandaan natin na nitong nakaraang mga buwan ay sumakit ang kili-kili sa kapapaypay at tumagaktak ang pawis ng marami nating kababayan at mga negosyante sa Mindanao dahil sa nararanasang rotating brownout bu­nga ng kakulangan sa suplay sa kuryente.

Ang inulan ng puna at kritisismo ay ang Department of Energy, pati na ang pamahalaang Aquino dahil sa kawalan daw ng paghahanda at hindi nakita ang paparating na problema. Kaya naman ngayon, naghahanda na ang gobyerno sa kung anuman ang posibleng mangyari sa suplay sa enerhiya sa Luzon sa 2015 kaya sana naman ay wala nang kokontra at magtamang duda.

Ang paghingi ng emergency power ni PNoy sa Kongreso ay bahagi lang naman ng iba pang ginagawang hakbang upang makatipid sa konsumo ng kuryente para maiwasan ang power crisis. Kabilang na dito ang paghikayat sa mga malalaking kumpanya na magtayo ng sarili nilang pagkukunan ng enerhiya sa ilalim ng Interruptible Load Program o ILP.

Mas maganda kung maging ang mga mamamayan ay magsagawa ng pagtitipid sa konsumo ng kuryente lalo na ngayong papalapit na ang malamig na panahon para madagdagan ang reserba nating suplay sa susunod na taon.

Pero anuman ang mangyari, mabuti pa rin na ma­bigyan ng emergency power si PNoy upang paghandaan ang krisis sa enerhiya kung hindi na talaga maiiwasan. Mas mabuti na nandiyan ang reserbang enerhiya na kung hindi man magamit, kaysa naman kung kailan mo kailangan ay walang magamit na reserbang enerhiya dahil hindi napaghandaan ang problema.

Laging tandaan
: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: