Monday, September 8, 2014

Hindi duwag ang mga Pinoy



                                                            Hindi duwag ang mga Pinoy
                                                                       Rey Marfil


Sa halip na tawaging “act cowardice” ng isang komandante ng United Nations (UN) Peacekeeping Force ang ginawang “greatest escape” ng mga Pinoy UN Peacekeeper sa Golan Heights sa Syria, dapat pa ngang pasalamatan niya ang matatapang nating tropa dahil hindi sila naging dagdag sa problema sa tropa ng Fijian peacekeepers na binihag ng mga sumalakay na rebelde.

Aba’y hanggang ngayon yata ay nakatunganga at nakikiusap pa ang liderato ng UN na pakawalan ng mga rebeldeng al-Nustra Front, na konektado sa Al-Qaeda, ang may 45 Fijian peacekeepers na kanilang binihag.

Kung hindi natulungan ng tropa ng Irish peacekeepers ang mga katropa nilang Pinoy na nasa Position 69, at kung hindi naman nakatakas ang iba pang Pinoy peacekeepers na nasa Position 68, baka sa halip na 45 peacekeepers ay mahigit 100 UN peacekeepers ang ipinagmamakaawa ng UN na pakawalan ng mga rebelde, na sinasabing kasama sa listahan ng itinuturing na mga terorista.

Para sa mga kababayan natin na hindi lubos na batid ang nangyari sa Golan Heights sa Syria ilang linggo na ang nakalilipas, ipaliwanag natin na unang nabihag ng mga rebelde ang tropa ng mga Fijian dahil isinuko nila ang kanilang armas.

Nang puntiryahin na ng mga rebelde ang kinalalagyan ng mga Pinoy peacekeepers, hindi sila bumigay sa gusto ng mga rebelde. Sa halip, nagkulong sila sa kanilang kinalalagyan at naghandang ipagtanggol ang kanilang sarili.

Makalipas ang may ilang araw na standoff, duma­ting ang tropa ng Irish peacekeepers at naisalba nila ang mga katropa nilang Pinoy na nasa Position 69. Pero naiwan ang iba pang Pinoy peacekeepers sa Position 68 na pinaputukan na ng mga rebelde.

To make the story short, nagawang makatakas ang mga Pinoy na nasa Position 68 kahit pa may itinanim na landmine ang mga rebelde. Nakatakas sila nang walang tulong ng iba. Dahil dito, hinangaan ang katapangan ng mga sundalong Pinoy dahil hindi sila nagpasindak sa mga rebelde at hindi hinayaan na maging bihag.

***

Pero may hindi natutuwa sa ginawa ng mga kababayan natin. Tandaan niyo mga kababayan ang pangalan ng sundalong Indian na ito na si Lieutenant General Iqbal Singh Singha, ang Force Commander ng UN Disengagement Force.

Tinawag niyang “kaduwagan” ang ginawang pagtakas ng mga Pinoy peacekeepers dahil iniwan daw ng mga kababayan natin ang kanilang puwesto. Inamin din niya na iniutos niyang isuko ng mga Pinoy ang kanilang armas habang nagsasagawa daw sila ng negosasyon para mapalaya ang mga bihag na Fijian. At dahil sa hindi raw sinunod ng mga Pinoy ang utos niya, nalagay daw sa alanganin ang buhay ng mga Fijian.

Aba’y anong garantiya ni Singha na hindi bibihagin ng mga rebelde ang mga kababayan natin kapag isinuko nila ang kanilang armas? Anong garantiya ni Singha na hindi papatayin ng mga rebelde ang mga UN peacekeepers? Sa mga naibabalitang masaker at pagpugot ng ulo ng iba’t ibang rebelde sa mga bihag nila, at pagpatay ng mga rebeldeng Syrian sa kanilang mga mismong kababayan, anang garantiya ni Singha na magiging ligtas ang mga Pinoy?

Dahil sa pagiging matapang ng mga Pinoy, hindi na sila nakadagdag sa problema ng UN na patuloy na nakikiusap sa mga rebelde para mapalaya ang mga bihag na peacekeepers. Katunayan, ang patuloy na pagkakabihag ng mga Fijian ay patunay na walang magawa ang UN para mai-rescue ang sarili nilang tropa.

Isa pa, tama ba ang pagkakasabi ni Singha na nakiki­pagnegosasyon sila sa mga rebelde para mapalaya ang mga Fijian? Tila hindi yata tama at nagbibigay ng maling senyales na ang mga opisyal ng UN Peacekeepers ay nakiki­pagnegosasyon sa mga rebelde na kaalyado ng mga terorista.

Dapat lang talagang imbestigahan ng UN itong si Singha at dapat purihin ang mga matatapang nating kababayan na peacekeepers.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: