-PNP: Pulis nanghuli ng pulis
REY MARFIL/Spy on the Job
Sunud-sunod
ang insidente ng mga nababasyo o nahuhuling mga pasaway na pulis na gumagawa ng
kalokohan. Pero kung may mga pasaway, hindi naman nawawala ang mga matitinong
pulis na pursigidong iposas ang mga lumalabag sa batas kahit pa kabaro nila.
Kaya naman mahirap yatang paniwalaan ang hirit ng isang anti-crime group na nagsabing mas lumala raw ang kaso ng mga pasaway na pulis sa ilalim ng kasalukuyang liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaysa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Mas malala kaya ang kalokohan ng pulis ngayon o mas masigasig na ang mga matitinong pulis ngayon na hulihin ang mga kolokoy nilang mga kabaro? Parang usapin din ‘yan ng katiwalian na umano’y nangyari noong panahon ni Arroyo pero hindi naibalita. Subalit nang maupo si PNoy, isa-isa nang nailantad.
Gaya na lang ng umano’y pang-aabuso sa pork barrel funds ng mga mambabatas kung saan dawit si Janet Napoles. Ang mga alegasyon ng katiwalian ay sinabing nangyari noong 2007 hanggang 2009 pero lumabas sa media noong 2013.
Bukod pa riyan ang iba pang alegasyon ng katiwalian na nangyari noong panahon ni Arroyo na naisampa na ang reklamo sa Ombudsman at Sandiganbayan tulad ng PCSO intelligence funds, PNP chopper scam, at iba pa.
Hindi naman ibig sabihin na kung ngayon naglalabasan ang kalokohan ng ilang tiwaling pulis ay nangangahulugan na na lumalala ang sitwasyon ngayon. Maaari kasing malala na ang sitwasyon noong nakaraang mga administrasyon pero hindi lumalabas sa media dahil hindi natutukan o nalalaman ng liderato ng kapulisan kaya walang nahuhuli. At kung walang nahuhuli, walang lumalabas sa media, walang nalalaman ang publiko.
Subalit sa ilalim ng liderato ni PNoy na seryoso na putulin ang utak-wangwang -- hindi lang ng mga nasa gobyerno kung hindi maging ang mga nakauniporme -- ang mga pasaway na pulis, nakikita sa media na binabasyo ng mga kapwa nila pulis.
Katunayan, may isang insidente kamakailan na naibalita na isang pulis na nakasakay sa tricycle na may kasamang dalawang lalaki ang pinara at sinita ng mga nagpapatrolyang pulis dahil lumabag sila sa batas-trapiko. Kung pinairal ng mga nagpapatrolyang pulis ang isip-chapa, baka pinabayaan lang nila ang sinita nilang pulis nang magpakilala itong kabaro nila.
Pero sa halip, siniyasat nila ang kanilang sinitang kabaro at dalawang kasama at doon nila nakita na kargado ang mga ito ng dalawang pakete ng shabu kaya nila inaresto, ikinulong at kinasuhan.
***
Bukod pa riyan, malaki na rin ang papel ngayon ng modernong social media at mga netizens na aktibo na sa pagpo-post sa mga social networking site ng kanilang mga nakikitang kalokohan ng kahit na mga awtoridad.
Isang magandang halimbawa nito ang tinawag na EDSA Hulidap na ang pinagmulan ng impormasyon ay sa netizen. Malamang kung hindi lumabas sa social media ang larawan, hindi ito malalaman ng liderato ng PNP at magpapatuloy ang modus ng grupo. Aminin natin ang katotohanan na tiyak na matatakot ang biktima na magsumbong sa pulis dahil nga ang mga salarin ay kapwa pulis.
Pero nang makarating sa liderato ng PNP ang impormasyon, tahimik nilang inimbestigahan ang larawan hanggang sa matukoy ang mga taong sangkot sa umano’y hulidap, kahit pa ang mga masagasaan nila ay hindi lang isa, dalawa kundi pito hanggang siyam na kasama nila sa trabaho.
Alalahanin din natin na hindi ito ang unang pagkakataon na may kinasuhan ang PNP ng mga kabaro nila na inakusahang lumabag sa batas. Mayroon ding mataas na opisyal sa PNP ang kinasuhan kaugnay ng “shootout” umano sa Quezon na ikinasawi ng ilang tao.
At habang seryoso si PNoy at pamunuan ng PNP na alisin ang iilang bulok na pulis sa basket, at habang patuloy na may nakikita tayong matapat na pulis na humuhuli sa mga pasaway nilang kasama, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at tiwala sa kanila.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment