Friday, August 29, 2014

Malaking tulong




                                                                   Malaking tulong  
                                                                      Rey Marfil


Malaki ang maitutulong ng nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at United States (US) para palakasin ang seguridad ng bansa laban sa panlabas na mga banta.

Malinaw at hindi naman na dapat intrigahin pa ang paninindigan ni President Barack Obama na nagpunta sa bansa dahil talagang idedepensa ng US ang Pilipinas.

Hindi nasayang ang paglagda ng bansa sa EDCA para sa mas pinalaking “rotational” na presensya ng mga tropang Amerikano kaugnay sa kanilang pagsasanay sa bansa kasama ng mga sundalong Pilipino.

Nagbabala na nga si Obama sa China laban sa paggamit ng puwersa upang resolbahin ang kaguluhan sa West Philippine Sea at maigting na suportang militar para sa bansa.

Higit na importante dito ang hangarin ni Obama na magkaroon ng mapayapang resolusyon sa krisis na magiging kapaki-pakinabang sa buong mundo lalo na ang paniniyak sa malayang pagbiyahe ng kalakal sa West Philippine Sea.

Kitang-kita sa pahayag ni Obama na laging sasaklolo ang US sa Pilipinas sakaling mayroong bansa na kikilos sa West Phi­lippine Sea na hindi umaayon sa internasyunal na mga batas.

Maganda rin ang ipinakitang kakaibang diplomasya ni Obama sa pagtiyak ng kanilang suporta sa Pilipinas na nagbibigay ng balanseng posisyon upang hindi rin naman makapagbigay ng mga salitang ikakagalit ng China.

Wala naman talagang puwang ang digmaan sa makabagong panahon. Magtulung-tulong tayong lahat upang mapayapang maresolba ang agawan sa teritoryo at umiwas sa nakakagalit na mga pahayag na magreresulta lamang sa kaguluhan.

Isipin rin natin na ang pagpapalakas sa kakayahan ng ating mga kawal ang pangunahing layunin ng US sa kanilang pagtulong sa mga pagsasanay na isasagawa at hindi upang patindihin ang tensyon at magkaroon ng tunggalian sa China.

Dapat rin nating imintina ang posisyon na mareresolba ang kasalukuyang girian sa teritoryo sa pamamagitan ng United Nations (UN) na nagpapatupad ng internasyunal na mga batas.

***

Suportado ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang panukalang itaas ang suweldo ng 1.6 milyong kawani ng pamahalaan.

Pero tama at mahalaga rin naman ang kanyang posisyon na unahin muna ang hindi pa napopondohang pensyon at mga benepisyo ng mga retiradong pulis at kasapi ng militar.

Maganda kung tutuusin ang panukala ni Sen. Antonio Trillanes IV na itaas ang suweldo ng mga nasa pamahalaan lalung-lalo na ang mga kawani upang hindi matukso ang mga ito sa katiwalian.

Bagama’t maigting ang kagustuhan ni Pangulong Aquino na bigyan ng karagdagang sahod ang mga nasa gobyerno, malaking hamon ito sa ngayon sa gitna ng mga nakabinbin pang pinansyal na obligasyon sa kinauukulan.

Batid ni PNoy na hindi pa naibibigay ang kailangang pondo para sa pensyon at benepisyo ng mga nagretirong mga pulis at sundalo.

Taun-taon kasing pinopondohan ng pamahalaan ang pensyon sa ilalim ng pambansang badyet.

Ngunit base sa datos ng Department of Budget Department (DBM), mangangailangan ng P4.3 trilyon upang pondohan ang pensyon ng mga pulis at mga sundalo o halagang sobrang laki kumpara sa P2.6 trilyong kasalukuyang pambansang badyet.

Magandang marinig sa Pangulo ang matapat na pahayag at talagang hindi siya nagsisinungaling sa kung ano ang kayang ibigay ng kanyang pamahalaan.

Isa pa sa magandang balita dito ang pahayag ng Pangulo na mas hangad niya sa ngayon na bigyan ang mga kawani ng pamahalaan ng mga insentibo katulad ng pabahay.

Matagumpay na naisagawa ng administrasyong Aquino ang pagkakaloob ng mahigit sa 50,000 bahay sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).

Inihayag rin ng Pangulo ang plano ng pamahalaan na mag-alok ng land reclamation projects upang makalikom ng pondo para sa pensyon ng mga retiradong pulis at sundalo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: