Wednesday, September 24, 2014
‘Wag kalimutan ang Batas Militar
‘Wag kalimutan ang Batas Militar
Sadyang mabilis lumipas ang panahon. Aba’y 42 taon na pala ang nakalipas mula nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang Batas Militar na nagpakulong ng libu-libong tao na pinaniniwalaan niyang komunista, tagasuporta ng mga rebelde, at mga kalaban niya sa pulitika.
Bukod sa 42 taon na ang nagdaan nang ideklara ang Batas Militar, sa Setyembre 28 ay ika-25 taon na rin ng kamatayan ni Marcos. Samantala, 31 taon na ang nakararaan nang barilin at patayin sa airport ang pangunahing nakalaban sa pulitika ni Marcos na si dating Sen. Ninoy Aquino Jr., ama ng kasalukuyang Pangulo ng bansa na si Noynoy “PNoy” Aquino.
Hindi nakapagtataka kung maging emosyunal o sentimental ang paggunita ni PNoy ngayon sa Martial Law anniversary dahil nataon ito sa pagpunta niya sa Boston, USA kung saan ilang taon nanirahan ang pamilya-Aquino. Nangyari ito nang mapilitan ang kanilang pamilya na umalis ng bansa bunga ng idineklarang Batas Militar at pagkakasakit ni Ninoy.
Kabilang si Ninoy sa daan-daang politiko at kritiko ni Marcos na nakulong noong Martial Law. Nahatulan pa nga ng parusang kamatayan ng military court martial si Ninoy. Dahil sa pagkakakulong ng may pitong taon, humina ang katawan ni Ninoy at nagkasakit. Sa alok na rin ng gobyernong Marcos, pumayag si Ninoy na magpaopera ng puso sa Amerika bagaman ang kapalit nito ay pag-iwan niya sa kanyang bayang minamahal.
Matapos ang operasyon sa US, nanirahan na ang pamilya-Aquino sa Boston, kasama ang noo’y nagbibinatang si PNoy. Pero pagkaraan ng ilang taon, sa kabila ng maayos na pamumuhay sa Amerika, sadyang hindi kayang iwanan nang tuluyan ni Ninoy ang Pilipinas. Nagpasya siyang bumalik ng bansa kahit batid niya na may banta sa kanyang buhay. And the rest is history ‘ika nga pag-uwi niya noong Agosto 21, 1983.
***
Hindi lang pamilya-Aquino ang may “bangungot” na karanasan sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos na nagtagal sa kapangyarihan sa loob ng 20 taon. Kung tutuusin, masuwerte pa ang mga Aquino dahil nakuha nila ang mga labi ni Ninoy, napagluksaan at nabigyan ng disenteng libing. Sinasabi kasing daan-daan o aabot pa sa libo ang ibang biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law ang hindi na nakita -- o ‘yung mga tinatawag na “desaparecidos”.
Ang Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) na namamahala sa mga biktima ng Martial Law na nais mabigyan ng kompensasyon ay nakatanggap na ng mahigit 17,000 aplikante para sa reparation claims.
Inaasahan nilang aabot ito sa 20,000 hanggang 30,000 aplikante.
Bukod sa mga kaso ng pagkulong, pagkawala, pagkamatay, pananakit, sinabi ni PNoy sa kanyang talumpati sa pagbisita niya sa Boston na walang kalayaan noon na magpahayag laban sa diktaturyang rehimen ni Marcos. Walang check and balance ang sangay ng mga ahensya ng gobyerno kaya naman naabuso ang kaban ng pamahalaan.
Aminado si PNoy na noong paslangin ang kanyang amang si Ninoy, pumasok sa isip niya ang maghiganti; na normal lang sa isang pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa karahasan. Subalit tila ang lahat ay nakatakdang mangyari para maibagsak ang diktaturyang rehimen ni Marcos noong 1986 EDSA People Power Revolution. Hindi nasayang ang ibinuwis na buhay ni Ninoy.
Kahit marami sa mga may kinalaman at nakaranas ng lagim ng Batas Militar ay wala na sa mundong ibabaw, dapat patuloy itong gunitain para magsilbing paalala sa mga bagong henerasyon na may madilim na yugtong nangyari sa ating bayan na hindi na dapat maulit muli -- at hindi nila dapat hayaan na maulit pa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/sep2414/edit_spy.htm#.VCHkE1ctefE
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment