Monday, August 11, 2014
Mga boss ang magdidikta
Mga boss ang magdidikta
Sadyang umiinit na talaga ang hangin ng pulitika habang papalapit nang papalapit ang 2016 presidential elections. Kahit hindi naman kakandidato si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sadyang hindi maiiwasan na pati siya ay madamay sa nagaganap na pagpostura ng iba’t ibang grupo.
Matapos na maipaliwanag ni PNoy sa kanyang mga “boss” na mamamayang Pilipino ang tungkol sa usapin ng paggamit ng pondo ng Disbursement Acceleration Program (DAP), tila nagkaroon ng paggalaw sa linya ng pulitika patungo sa darating na halalan.
May nagpapalutang ng posibilidad ng panibagong alyansa ng mga partido at may suhestyon na dapat magtagal pa sa Palasyo si PNoy upang mapagpatuloy nito ang reporma sa pamamahala ng bansa at paglaban sa katiwalian.
Hindi naman kataka-taka kung may mga magmungkahi na bigyan ng isa pang pagkakataon si PNoy na kumandidato sa 2016 presidential elections upang maipagpatuloy nito ang kanyang mga hangarin para sa bayan at sa kanyang mga “boss”.
Pero linawin lang natin, wala sa isipan ng Pangulo na manatili sa Palasyo kapag natapos na ang kanyang termino sa June 30, 2016, na itinatakda sa Saligang Batas at kontrata niya sa bayan nang manalo siya noong 2010 presidential elections.
Ano ba ang nakalagay sa Saligang Batas? Sinasabi doon na isang beses lang ang termino ng Pangulo na tatagal lang ng anim na taon. At dahil ito ang itinatakda ng batas, tiyak na ito ang susundin ni PNoy.
Ang paglutang ng mungkahi na payagan si PNoy na mabigyan ng ikalawang termino -- tulad nang inilunsad ng netizens sa Facebook -- ay pagpapakita ng kanilang tiwala sa platapormang “tuwid na daan” ng kasalukuyang administrasyon.
At kung may mga grupo man na nagpapahayag na bukas sa kanilang pananaw na makipag-alyansa at humingi ng basbas kay PNoy sa 2016 elections, pagpapakita rin ito ng kanilang tiwala sa “endorsement power” ng Pangulo.
Hindi ito katulad, o sabihin na natin na napakalayo sa naging sitwasyon noong 2010 elections, na itinuring na “kiss of death” ang basbas ng nakaupo noong Pangulo na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil sa paniwala nila na ikatatalo ng kandidato ang basbas ni GMA, umiwas ang ilang pulitiko na itaas ni GMA ang kanilang kamay sa entablado.
***
May kalayuan pa kung tutuusin ang May 2016 elections pero tila ngayon pa lang ay may mga kababayan na tayo na nag-iisip kung ano ang naghihintay sa ating bansa kapag bumaba na sa kanyang posisyon si PNoy.
Sabagay, nakasaad sa nakaraang SONA ni PNoy ang kanyang paalala sa kanilang mga “boss” na nakasalalay sa kanila ang magiging kapalaran ng bansa. Sa pagtatapos ng kanyang termino, ang mamamayan ang magpapasya kung sino ang mga pipiliin nilang susunod na mga lider ng bayan na magpapatuloy ng kanyang mga sinimulan.
Marami sa ating mga kababayan ang naniniwala sa sinseridad ng Pangulo na ayusin ang sistema ng pamamahala laban sa katiwalian at maayos na paggamit ng kaban ng bayan.
Subalit ang batas ay batas, dapat sundin.
Sabi nga ni Communications Secretary Sonny Coloma, malinaw ang deklarasyon ni PNoy na binibilang na nito ang mga araw at mga buwan sa pagtatapos ng kanyang termino. At minsan ay hindi raw sumagi sa isipan ng Pangulo na maghangad o humingi ng karagdagang termino na higit sa nakasaad sa Konstitusyon.
Bukod dito, ilang beses na ring inihayag sa publiko ni PNoy na tutol siya sa anumang hakbang na amyendahan ang Saligang Batas. Kaya naman kung may pagkilos man na gawin ang mga mambabatas tungkol sa Charter Change, hindi dapat na iugnay dito ang Pangulo.
Pero teka, sino nga ba ang dapat matakot sakaling magkaroon ng ikalawang termino si PNoy? Malamang ‘yung mga tumatahak sa baluktot na daan. Anuman ang resulta ng panawagang term extension, pakatandaan ng publiko -- taong bayan o ibinatay ni PNoy sa kanyang mga boss ang desisyon nu’ng tumakbong Pangulo noong 2010 elections. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment