Wednesday, August 20, 2014
Nasa mabuting pamamahala
Nasa mabuting pamamahala
Hindi lang daang matuwid ang ginagawa ng pamahalaang Aquino kung hindi maging “tulay na matuwid” na pinondohan mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklara ng mga mahistrado ng Korte Suprema na iligal ang ilang bahagi at pinagdudahan pa ang malinis na hangarin ng gobyerno sa pagpapatupad ng programa.
Nauna nang isinapubliko ng Malacañang na may 116 programa at proyekto na pinondohan ng DAP, na tinatayang umabot ng P167.061 bilyon. Gayunman, nasa P144.378 bilyon lang ang naipalabas na pondo at may natitira o balanseng P13.612 bilyon.
At nitong Lunes, ipinakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang isa mga produkto ng DAP, ang tulay at mga magkakadugtong na kalsada sa Tuao, Cagayan.
Mantakin niyo, 1968 pa nang pumasok sa isipan ng mga opisyal ang naturang proyekto pero nagkaroon lamang ito ng katuparan sa ilalim ng pamahalaan ni PNoy. Tinatayang nasa P599 milyon ang kabuang gastos sa proyekto, kung saan ang P145 milyon ay mula sa DAP.
Dahil sa proyekto, mapapabilis na ang biyahe ng mga tao, negosyo, paghahatid ng mga serbisyo at produkto, at tiyak na makatutulong din sa turismo sa lugar at lalawigan. Marahil ang mga taong hindi dumadaan sa lugar na ito, dedma sa magandang balitang hatid ng proyekto. Pero sa mga gagamit nito, siguradong todo ang kanilang pasasalamat.
Ganoon naman yata talaga ang ibang tao, walang paki at may tamang duda kung hindi nila lubos na batid ang nangyayari, o hindi naman sila apektado -- iyong bang mentalidad na “M” at “P” (malay ko at pakialam ko).
***
Ang tulay na ito sa Tuao ay isang halimbawa ng maayos na paggugol ng pondo mula sa DAP; na kung nakitaan man ng Korte Suprema na may labag sa batas, hindi ito sinadya ng pamahalaang Aquino at malinis ang kanilang hangarin o ika nga’y saad sa doktrinang “done in good faith”.
Bagay na ipinaliwanag na noon ng mga opisyal ni PNoy na wala sa isipan ng pamahalaan at mga nagpatupad ng programa na pagkakitaan o gamitin sa kasamaan ang anumang pondo na inilaan sa DAP.
Ang 360-lineal meter na tulay na ito sa Barangay San Luis ay magsisilbing inter-regional link sa Regions I, II at Cordillera. Dahil sa tulay na ito, ang dating mahigit na apat na oras na biyahe sa Tuao patungong Kabugao, Apayao ay magiging mahigit dalawang oras na lang. Mabilis na ring mapapasyalan ang mga ipinagmamalaking lugar tulad ng Basilica Minore of Our Lady sa Piat na tinatawag na Pilgrimage Center of the North; ang Tuao Belfry, Lallayug Forest Park, at Cassily Lake.
Pero gaya ng sinasabi sa commercial sa television -- but wait, there’s more! Nasa P33.7 milyon ang natipid ng pamahalaan sa naturang proyekto dahil sa mabilis at matinong pagsubaybay ng Department of Public Works and Highways.
Sabi nga ni PNoy, isinusulong ng kanyang pamahalaan ang kailangan, de kalidad, tamang gastos, at matatapos sa tamang oras na mga proyekto para sa mga tao. Habang ang ibang opisyal natin ay nagkakagulo na para sa 2016 elections, ang liderato ni PNoy, abala sa paggawa ng mga programa at proyekto na kailangan ng kanyang mga “boss”, na mamamayang Pinoy.
Pero teka, ngayong naipakita ng pamahalaan Aquino kung saan napunta ang pondo ng DAP, baka puwedeng ang mga mahistrado naman natin sa Korte Suprema ang magpakita naman ng listahan kung saan nila ginagamit ang mga pondo nila katulad ng kontrobersiyal na Judicial Development Funds.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment