Monday, August 25, 2014

Huwag agad husgahan


                                                             Huwag agad husgahan  
                                                                    Rey Marfil

Itinalaga na ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino si dating Solicitor General Francis Jardeleza bilang bagong mahistrado sa Korte Suprema. At gaya ng dati, hindi na naman nawala ang mga tamang duda, tamang hinala, at kaagad-agad kung maghusga.

Sa ilalim ng Saligang Batas, malinaw na nakasaad ang kapangyarihan ni PNoy na pumili ng taong hihirangin niya sa Kataas-taasang Hukuman mula sa listahan ng mga nominado na isinumite ng Judicial Bar Council o JBC. At nasunod naman ang prosesong ito sa ginawang pagpili ng Pangulo, kaya anong kaso?

Katulad ng ibang ginawang paghirang ni PNoy sa iba pang opisyal sa gobyerno at maging sa hudikatura, hindi nawala ang mga puna at mga negatibong pangitain sa pagpili ng Pangulo kay Jardeleza. May nagsasabing magdudulot daw ito ng higit na kaguluhan sa SC dahil hindi raw pabor si SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno kay Jardeleza.

Pero ang nangyari, kay Sereno nanumpa si Jardeleza at pagkatapos ay sinamahan pa ni Sereno ang bagong kasama nila sa hudikatura sa pag-iikot sa SC. Sa halip kasi na maganda, bakit ba may mga taong kung mag-isip e “nega”.

May mga hirit pa na hindi raw magiging patas si Jardeleza sa mga magiging desisyon nito sa mga kasong may kaugnayan sa pamahalaan dahil sa utang na loob na tatanawin nito kay PNoy. Kabilang sa kasong binabanggit nila ay motion for reconsideration na inihain ng pamahalaan sa naging 13-0 decision na nagdedeklarang iligal ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program.

***

Bilang dating SolGen na naghain ng naturang MR tungkol sa DAP, natural na naaayon sa panig ng gobyerno ang kanyang posisyon. Pero hindi naman yata patas na kaagad husgahan at pangunahan si Jardeleza sa kanyang magiging desisyon kung makikisali ba siya sa deliberasyon ng MR -- o kung mananatili pa rin ba ang kanyang posisyon sa isyu ngayong nasa panig na siya ng hudikatura?

Dapat tandaan na ang unang apat na mahistrato na hinirang ni PNoy sa SC na sina Chief Justice Sereno, Justices Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe at Bienvenido Reyes, ay pawang bumoto rin kontra sa DAP. Pagpapatunay ito na kahit hinirang sila ng Pangulo, nagiging malaya sila at independyente sa kanilang desisyon.

Idagdag pa natin na ang SC ay binubuo ng 15 mahis­trado at nagdedesisyon sila sa mga usapin bilang lupon o grupo at hindi ng isa lamang. Kaya kung sakaling bumoto man si Jardeleza ng pabor sa MR, wala ring saysay kung hindi magbago ng pasya ang 13 mahistrado na bumoto noon ng kontra sa DAP.

Hindi rin naman dapat ipagtaka kung si Jardeleza ang napili ni PNoy sa listahan na isinumite ng JBC dahil na rin sa ilang taong pagsisilbi nito sa pamahalaan at marahil ay madalas niyang nakakatrabaho. In short, batid ni PNoy kung maganda ang rekord ng nominado at kung mahusay itong magtrabaho.

Maliban sa prerogative o karapatan ni PNoy ang piliin ang nominado na gusto niya, natural lang siyempre na piliin ng Pangulo ang taong higit na pinaniniwalaan niyang karapat-dapat sa posisyon. Dahil kung papalpak ang taong kanyang itinalaga, kay PNoy din babagsak ang sisi nito.

Kaya ang makabubuti, manahimik na muna ang mga kritiko at bigyan ng pagkakataon si Justice Jardeleza na magtrabaho, at hintayin nating tumakbo ang kasaysayan na huhusga sa kanya at sa desisyon ni PNoy na piliin siya. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: