Wednesday, August 13, 2014

Higit sa panalo ang pag-asa



                                                           Higit sa panalo ang pag-asa  
                                                                        Rey Marfil


Nakatutuwa ang naging panalo ng koponan ng University of the Philippines laban sa Adamson University sa UAAP men’s basketball tournament noong Sabado. Dahil sa tagumpay na iyon, natapos na ang 27 sunud-sunod na pagkatalo ng unibersidad mula pa noong 2012.

Kahit anim na ang talo ngayon ng UP sa kasaluku­yang laro ng UAAP, pero parang nag-champion na sil­a sa naging panalo nila noong Sabado. Gaya ng pangako ng coaching staff ng tropa ng Maroons, naganap ang bonfire sa UP Diliman nang talunin nila ang Bulldogs, na silang nakabaon ngayon sa standing ng torneo na 0-6.

May ilan na nagkomento na parang OA o overacting daw ang UP community sa naging panalo nila sa Adamson gayung kulelat pa rin naman sila sa standing ng liga. At kahit magkasunud-sunod ang panalo ng UP, mukha naman daw malayo namang makapasok sa semifinal ang koponan ng mga Iskolar ng Bayan.

Marahil tama ang ganitong pagtaya ng ilan sa magiging kapalaran ng UP Maroons sa liga ngayon.
Su­balit mukhang hindi nila nakita ang higit na mahalaga sa na­ging panalo na iyon ng koponan -- pag-asa.

Hindi biro at masakit tiyak sa pride ng mga taga-UP ang 27 sunud-sunod na pagkatalo sa loob ng dalawang taon. Para bang nakabitin lagi ang tanong sa koponan kung bakit lumalaro pa sa liga gayung matatalo rin lang naman. Mga biro na, ‘bakit hindi na lang gastusin sa Cheer Dance contest ang pondo sa varsity players tutal doon naman ang higit na may pag-asang magkampeon ang mga Iskolar ng Bayan’.

***

Ngunit nitong Sabado, may pinatunayan ang mga manlalaro ng UP Maroons; na kahit anong nakaraan mo at pinagdadaanan, may tagumpay na naghihintay basta magpupursige at magtutulungan ang mga magkakampi.

Hindi gaya ng ibang koponan sa UAAP na pag-aari ng mga mayayamang kompanya, korporasyon o indibidwal, ang UP ay isang state university na ang pondo ay nanggagaling sa gobyerno. Pero siyempre, ang pondong ito ay mapupunta sa edukasyon o pag-aaral ng mga estudyante at hindi sa mga manlalaro.

Kaya nga ang mga manlalaro ng UP, sinasabing nagpupunta sa ensayo na ang iba ay gutom dahil sa wala naman silang sapat na allowance para sa naturang aktibidad. Sa ngayon, nagkakaroon ng panibagong lakas at pag-asa ang mga manlalaro dahil mayroon nang mga alumni at sponsors na handa sa kanilang tumulong.

Ang ganitong sitwasyon ay pagpapakita na hindi sapat na magaling ang manlalaro para magtagumpay. Hindi sapat na mayroon silang fighting o never-say-die spi­rit. Kailangan din nila ng pinansiyal na ayuda para masuportahan ang pangangailangan para manalo.

Hindi ito nalalayo sa pamamalakad ng gobyerno. Kaya naman ang administrasyong Aquino, masinop ang ginagawang paggastos sa pondo ng bayan at tinitiyak na magagamit ito sa tamang proyekto at programa.

Hindi kasi sapat na mahusay ang mga namumuno sa isang ahensiya para matapos ang proyekto o maipa­tupad ang programa, kailangan ang pondo. At kapag natapos at naipatupad ang mga ito, ang resulta, parang laro ng UP Maroons, panalo, may pag-asa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: