Friday, August 22, 2014

Nabawasan!


                                                                  Nabawasan!
                                                                   Rey Marfil


Magandang balita ang paglaki sa bilang ng mga Pilipinong mayroong trabaho mula 37.01 milyon noong Abril 2013 tungong 38.66 milyon sa parehong panahon ngayong taon o 1.65 milyong karagdagang trabaho sa buong bansa.

Nanggaling ang ulat kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz base sa April 2014 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Pagpapakita ito ng patuloy na pagsusumikap ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na ma­isulong ang kapakanan ng maraming Pilipino sa ilalim ng matuwid na daan.

Kaya naman asahan natin na lalo pang tataas ang bilang ng mayroong mga trabaho sa susunod na PSA labor survey lalo’t patuloy na bumubuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Malaking tulong dito ang kautusan ng Pangulo na tutukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementasyon ng mga programa na makakalikha ng karagdagang mga trabaho.

Ayon kay Baldoz, nakapagtala ng karagdagang trabaho ang 14 na rehiyon sa bansa na kinabi­bilangan ng mga sumusunod at bilang ng bagong trabahong nalikha: Calabarzon, 325,000; Central Luzon, 205,000; Central Visayas, 186,000; National Capital Region, 185,000; Davao, 181,000; Western Visayas, 173,000; Autonomous Region in Muslim Mindanao, 134,000; Ilocos, 87,000; Northern Mindanao, 83,000; Caraga, 52,000; Soccsksargen, 51,000; Mimaropa, 44,000; Bicol, 26,000 at Cordillera Administrative Region, 4,000.

Sa klase ng mga manggagawa, nanguna ang new wage at salary workers sa bilang na 909,000 na sinundan ng 329,000 self-employed na walang binabayarang mga empleyado at 114,000 na tinatawag na employers na nagpapatakbo ng sariling negosyo ng kanilang pamilya at iba pa.

Base sa 1.65 milyong bagong mga kawani, nagmula ang 929,000 sa sektor ng serbisyo na sinundan ng 374,000 sa sektor ng industriya at 352,000 sa sektor ng agrikultura.

***

Makatwirang batiin natin si Pangulong Aquino dahil nabawasan ng 300,000 pamilya ang nakaranas ng gutom sa ikalawang quarter ng taon kumpara sa unang quarter.

Base ito sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa mula Hunyo 27 hanggang 30.

Lumabas na 16.3 porsiyento ng respondents o 3.6 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa kanila na tatlong buwan na mas mababa kumpara sa 17.8 porsiyento o 3.9 milyong pamilya na naitala noong nakalipas na Marso.

Hindi naman nagpapabaya ang administrasyong Aquino at ginagawa ang lahat upang tugunan ang kanilang pangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: