Friday, August 15, 2014
Pagsaludo sa DOT
Pagsaludo sa DOT
Makatwirang batiin natin ang Department of Tourism (DOT) matapos makatanggap ng pagkilala dahil sa epektibong pandaigdigang kampanya sa turismo gamit ang “It’s More Fun in the Philippines”.
Nasa ikatlong puwesto ang slogan ng DOT na ikinukonsiderang pinakamahusay na marketing campaigns at nangunguna sa Asia Pacific region base sa pagtataya ng Warc 100, isang grupo na nagsasagawa ng pandaigdigang taunang ranking sa marketing campaigns base sa kahusayan, pagiging epektibo at galing ng estratehiya.
Ikinukonsidera ang Warc 100 na pinakamahusay na grupo sa larangan ng kahusayan sa paggawa ng anunsyo.
Saludo tayo sa diskarteng ginagawa ni Tourism Sec. Mon Jimenez dahil walang kaduda-duda ang tagumpay ng ‘It’s More Fun in the Philippines’.
At higit sa pagkilalang natanggap, talaga namang lumaki nang husto ang bilang ng pagdating ng mga turista sa bansa base sa mga polisiya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Kaya naman tama at makatwiran na itaas ang pondo ng DOT para lalong masuportahan ang mga programa at proyekto ng ahensya.
Nagtutulung-tulong rin nang husto ang DOT, Department of Public Works and Highways (DPWH) at ibang mga ahensya ng pamahalaan para lalong mapalakas ang sektor ng turismo sa bansa.
Halimbawa dito ang koneksyon ng mga paliparan sa pangunahing mga destinasyon sa bansa.
Sa ilalim ng 2015 na pambansang badyet na iprinisinta ng DOT sa mga kasapi ng gabinete, naglaan rin ang ahensya ng pondo sa DPWH para sa paggawa ng kalsada at tulay kaya umabot ang badyet sa P186.6 bilyon mula sa dating P130.4 bilyon.
Itinaas rin ang badyet ng departamento para sa tinatawag na tourism infrastructure mula P14.7 bilyon tungong P20 bilyon.
***
Magandang balita ang pahayag ng Malacañang na pag-aaralan ang panukalang gawing natural gas-powered facility ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) para mabawasan ang lumalaking pangangailangan sa enerhiya ng bansa.
Mayroon nang panukala sa Kongreso na gawing gas-fired plant ang BNPP.
Maganda naman talaga ang panukala lalo’t kinakapos ang bansa sa suplay ng kuryente at walang masama na alamin ang posible pang pakinabang ng BNPP bilang alternatibong solusyon sa pangangailangan sa kuryente na makakatulong sa mga mamumuhunan.
Marami ang nagsasabi na magiging madali ang operasyon ng BNPP bilang gas-powered plant dahil na rin sa pagkakaroon ng bansa ng natural gas sa Palawan.
Sa halip na gumastos ng taunang P26 milyon para imintina ang BNPP, maaaring gawing gas-powered plant ito ng pamahalaan para makalikha ng 1,800 megawatts ng kuryente.
Sa kabutihang palad, isang kumpanya sa South Korea ang napabalitang nagkakaroon ng interes na isagawa ang kumbersyon ng BNPP bilang coal-powered plant.
Epektibong opsyon ito para sa kabutihan ng lahat sa gitna ng krisis sa enerhiya.
Mahalaga lamang na masiguro nating legal at maayos ang lahat ng gagawin para matiyak natin ang kaligtasan ng taumbayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment