Friday, August 1, 2014

Huwag sayangin ang oras


                                                             Huwag sayangin ang oras  
                                                                      Rey Marfil


Gaya nang inaasahan, lumikha ng kani-kanilang opinyon ang ilang tao na nakapanood ng naging paliwanag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa posisyon ng pamahalaan sa naging desisyon ng Supreme Court (SC) sa Disbursement Acceleration Program o DAP. Ang iba, tila hindi kuntento na mailabas ang kanilang pananaw at gusto pa nilang makisawsaw.

Sa kabila kasi ng deklarasyon ng mayorya ng mga kongresista na hindi nila susuportahan sa anumang hakbang na i-impeach si Aquino, may iilan pa ring mam­babatas na nais daw ituloy ang paghahain ng reklamo.

Kung batid naman nilang walang patutunguhan ang isasampang impeachment complaint, bakit pa nila ipipi­lit? Para ba makakuha sila ng atensyon ng media? O baka may iba pang dahilan na hindi alam ng publiko?

Ang kapansin-pansin pa, ilan sa mga nagsasabing maghahain ng impeachment complaint laban sa Pa­ngulo ay isang dating opisyal ni dating Pangulong Gloria ­Arroyo na may kinakaharap ngayon na kasong katiwalian. Hindi ba halatang nais lang nitong manggulo?

Ang isa pang pursigidong maghain ng reklamong impeachment ay isang kilalang kaalyado ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na ilang beses nang nagsasampa ng impeachment complaint sa nagdaang presidente na pawang nabasura dahil daw sa mahinang pagkakagawa ng mga reklamo.

Sa kabila ng garantiya ng pinuno ng House Committee on Justice na magiging patas ito sa pagtalakay sa anumang impeachment complaint na ihahain basta naaayon sa itinatakda ng batas, sinabi na ng mga lider ng Kongreso na malabong magtagumpay ang anumang hakbang na ipa-impeach si PNoy.

Bukod kasi sa paniwala na wala namang basehan ang reklamo kung gagamiting basehan ang usapin ng DAP, ang impeachment ay isang political act na nangangahulugan ng “number games”. Ibig sabihin, kung walang sapat na bilang ang nagsusulong ng impeachment complaint, wala rin itong patutunguhan.

***

Sa ngayon, ang mayorya ng mga kongresista sa Kamara ay kaalyado ng administrasyon sa pangunguna mismo ni Spea­ker Feliciano Belmonte. Maging ang ilang lider sa grupo ng minorya at maging sa oposisyon ay nagpahayag din na hindi nila susuportahan ang impeachment complaint laban sa Pangulo.

Hindi lang naman usapin ng kampihan ang dapat bigyan ng pansin sa impeachment. Dapat ding isaalang-­alang kung may basehan ang reklamo, at kung ano ang magiging epekto nito sa buong bansa.
Ngayong nasa ika-apat na taon na ang administrasyong Aquino at nasa krusyal na bahagi ng pagsusulong ng ekonomiya ng bansa, pagsasara ng usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front, pagtugon sa pangangailangan at pagba­ngon ng mga biktima ng bagyong Yolanda, at mainit na usapin sa West Philippine Sea, at bukod diyan, halos dalawang taon na lang ay presidential election na... sa tingin ba nila ay makabubuti pa na guluhin ngayon ang political stability ng bansa?

Sa dami ng kailangang gawin ng pamahalaan para sa ika­bubuti ng bansa -- katuwang ang mga mambabatas sa Kamara at Senado -- hindi makatwiran na sayangin ng sinuman ang panahon ng Kongreso para matutukan nila ang trabaho sa paglikha ng mga batas na kailangan ng bansa.

Ang Malacañang na rin naman ang nagpaliwanag na ang talumpati ni PNoy sa nakaraan nitong National ­Address ay hindi para banggain ang SC. Ang talumpati ay para ipaliwanag lamang ang posisyon ng pamahalaan kaugnay sa gagawing paghahain ng motion for reconsideration (MR) sa naging desisyon ng mga mahistrado.

At sa gagawing paghahain ng MR ng pamahalaan, patunay ito na iginagalang ng pamahalaan ang SC bilang sangay ng pamahalaan na tagapagpaliwanag ng batas kaya dapat itigil na rin ang mga espekulasyon ng namimi­ligrong krisis Konstitusyunal. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: