Wednesday, August 27, 2014
Oportunistang nagpapanggap!
Oportunistang nagpapanggap!
Impostor -- mapanlinlang, mapagpanggap, manloloko. Saan man lugar o sektor, hindi mawawala ang mga ganitong klase ng tao na gagawin ang lahat masunod lang ang kanilang sariling interes nang hindi natin namamalayan.
Parang hunyango o chameleon ang mga impostor. Nagagawa nilang ikubli ang tunay nilang pagkatao sa pamamagitan ng paggaya sa lugar na kanilang kinakapitan. Pero kung ang mga hayop na hunyango ay nagbabalatkayo para makaiwas sa panganib o kaya naman ay madagit ang kanilang target na pagkain, ang mga hunyango sa pulitika, walang kabusugan at walang pakialam sa kapakanan ng iba -- kahit pa ang bayan.
Habang papalapit ang halalan sa 2016 kung saan pipili na naman tayo ng mga bagong lider, dumadami na naman ang mga hunyango o impostor. Kaya naman napapanahon at magandang naging paksa ng talumpati ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang tungkol sa mga peke at nagpapanggap na mga nagsusulong din umano ng reporma sa pamahalaan gaya ng kanyang ginagawa.
Dahil epektibo ang platapormang reporma sa paraan ng “tuwid na daan” na ginagawa ni PNoy, marami ang nais sumama at makiisa. Ang problema, ilan sa mga ito ay impostor o hunyango na gustong makiangkas sa biyahe ng daang matuwid pero ang tunay nilang pakay ay ibalik ang dating baluktot o balikong daan.
Ang matindi pa, habang nagkukubli ang mga impostor sa anyong reporma, nagpapakalat pa sila ng maling impormasyon para sirain ang tunay na nagsusulong ng reporma. Aba’y masahol sa pinakamakamandag na kobra ang pangil ng mga impostor na ito na kayang lumason ng isip ng ilan nating kababayan
***
Kaya nakalulungkot kapag may mga tao o grupo na totoo namang naghahangad din ng reporma sa gobyerno pero napapasukan ng mga hunyango o impostor. Ang resulta, nagkakaroon ng paraan ang mga pekeng repormista para maisagawa ang kanilang mapanlinglang na propaganda laban sa mga tunay na naghahangad ng pagbabago.
Sa nalalabing mahigit isang taon na lamang ni PNoy sa liderato dahil magtatapos na ang termino niya sa June 2016, hindi maiaalis isipin na may mga impostor na todo na sa pagkilos para maibalik sa lumang baluktot na daan sa gobyerno na itinutuwid ng kasalukuyang gobyerno.
Nang ipatupad kasi ni PNoy ang tunay na kampanya laban sa katiwalian, maraming kulokoy at kurimaw ang nawalan o nabawasan ang naibubulsang pera mula sa kaban ng bayan. Alam ng mga kulokoy na ito na hindi sila magtatagumpay na maibalik ang bulok na sistema kaya nagpapanggap sila na kasama sa agos ng mga repormista -- pero ang totoo sila’y mga oportunista.
Sa bilis ng pagkalat ngayon ng impormasyon dahil sa modernong teknolohiya at social media na sinasamantala ng mga oportunista, dapat lang talaga na maging mapagmatyag ang lahat at maging mapanuri para makilatis ang tunay para sa pagpapatuloy ng reporma ni PNoy. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment