Wednesday, August 6, 2014
Salbabida para sa mga dukha
Salbabida para sa mga dukha
Panahon na naman ng pagtalakay ng Kongreso sa hinihingi ng pamahalaan na taunang national budget ng bansa. At minsan pa gaya ng dati, may mga mambabatas na galing sa oposisyon o kritiko ng gobyerno ang nagnanais na burahin ang tulong na ibinibigay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga pinakamahirap nating kababayan -- ang conditional cash transfer program o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa susunod na taon, mahigit P2.6 trilyon pondo ang hinihingi ng pamahalaang Aquino sa Kongreso. Nasa P64.7 bilyon nito ang ilalaan sa CCT program upang matulungan ang may 4.4 milyong pinakamahihirap nating mga kababayan sa bansa.
Pero ngayon pa lang, may mga nagpapahiwatig ng mga mambabatas mula sa hanay ng oposisyon ang kumukuwestiyon sa pagpapatuloy ng naturang programa. Bakit daw ba patuloy na naglalaan ng naturang malaking pondo si PNoy sa mga mahihirap sa nakalipas na apat na taon ng liderato nito gayong nananatiling marami ang mahirap?
Kung tutuusin, tama naman ang mga puna na nananatiling marami ang mahihirap sa bansa batay na rin sa mga survey at pag-aaral ng mismong ahensiya ng pamahalaan. Ang kagandahan nito, kung hindi man nagbabago ang datos, bahagyang bumababa pero hindi na lubos na tumataas na nadaragdagan ang mga nagsasabing mahirap sila.
Kaya naman ang tanong ng nag-iisip nating mga kababayan...papaano kung wala ang CCT program? Baka lalong dumami ang mahirap.
***
Para sa kapakanan ng ating mga kababayan, ang perang ipinagkakaloob sa mga benepisaryo ng CCT program ay hindi basta ibinibigay sa kanila ng gobyerno nang walang kondisyon. Kabilang sa kondisyon na ito ay kailangang i-enroll ng magulang ang kanilang anak na bata para makapag-aral at tiyakin na mababantayan din ang kalusugan nila, pati na ang mga buntis.
Simple lang ang intensyon ng programa -- matulungan ang mahirap na pamilya, edukasyon ng paslit, at kalusugan nila para sa kapalit na P1,400 buwanang ayuda.
Gusto ba ng mga kritiko ni PNoy at CCT program na alisin ang salbabidang ito at tuluyang malunod at mamatay ang mga mahihirap nating kababayan? Sana hindi naman.
Huwag din nating kalimutan na ang edad ng mga bata na kuwalipikado sa CCT program ay iyong mga pati nasa sinapupunan ng ina hanggang 14-anyos lamang. Ibig sabihin, kung ang isang bata na isang taong gulang na benepisaryo, sa pagkatapos ng termino ni PNoy sa 2016 ay lilitaw na nakapag-aral lang siya ng prep at kinder at papasok pa lang siya na sa grade 1 sa pagtatapos ng termino ng ating pangulo.
Kung sa pagpasok lang ng grade one naihanda ang bata sa loob ng anim na taong termino ni PNoy, nabantayan naman ang kanyang kalusugan dahil kasama rin sa patakaran o kondisyon ng programa ay masubaybay ang kanyang kalusugan.
Sa susunod na taon, pinalawak pa ni PNoy ang mga makikinabang sa CCT program dahil kasama na ring masusuportahan ang mga mag-aaral sa high school. Sa ganitong paraan, matitiyak na makapagtatapos sa high school ang isang mahirap na mag-aaral. Dito ay may pag-asa siyang makapaghanapbuhay na upang matulungan ang kanyang pamilya, o kaya naman ay suportahan niya ang pag-aaral sa kolehiyo.
Sa argumento ng mga kritiko na higit na nararapat na trabaho ang ibigay ng gobyerno sa mga mahihirap kaysa pera, aba’y hiwalay na tinatrabaho ito ng pamahalaan. Ang makatotohanang problema lang talaga ay job mismatch o bakanteng trabaho na hindi akma sa tinapos na kurso ng mag-aaral, at ang lumolobo nating populasyon na nasa 100 milyon na. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment