Friday, August 8, 2014
Buhay ang isinalba
Buhay ang isinalba
Makatwiran ang paglalaan ng P425 milyong Disbursement Acceleration Program (DAP) para matiyak ang eksaktong pagtataya sa lagay ng panahon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).
Nabatid kay Iloilo Rep. Jerry Trenas na malaki ang naitulong ng DAP para sa eksakto at wastong pagtataya ng PAGASA sa lagay ng panahon kaya naman nakapaghanda nang husto ang pamahalaan sa pagdating ni Super Typhoon Glenda kamakailan.
Ibig sabihin, inaasahang mas malala ang magiging epekto ng dumaang bagyo kung hindi nagamit ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang DAP para sa PAGASA.
Bagama’t idineklara ng Supreme Court (SC) na labag sa Saligang Batas ang DAP, naniniwala akong maganda ang pagkakagamit nito sa lahat ng mga programa, kabilang ang Project NOAH o ang Nationwide Operational Assessment of Hazards ng Department of Science and Technology (DOST).
Noon kasi, nababatikos ang PAGASA sa palpak na prediksyon ng panahon hanggang makabawi ang ahensya sa tulong ng inilunsad ni Pangulong Aquino na project NOAH gamit ang DAP.
Sa tulong ng DAP, nakapaglaan ang administrasyong Aquino ng P275 milyon para sa National Meteorological Climate Center (NMCC) ng DOST na nasa likod ng makabagong teknolohiya ng PAGASA.
Nakapaglaan rin ang pamahalaan sa tulong ng DAP ng P150 milyon upang mapabuti ang Doppler Radar Network ng PAGASA para sa National Weather Watch, Accurate Forecasting and Flood Early Warning.
Nakatulong ang DAP sa pagkakaroon ng karagdagang state-of-the-art Doppler radars at pagtatatag ng tatlong Doppler Radar Stations sa Western Seaboard para masigurado ng PAGASA na magkakaroon ng tamang pagtaya sa lagay ng panahon.
Nakatulong rin ang mga proyektong pinondohan ng DAP upang mas masiguro ang pagtataya sa lagay ng panahon dalawang araw bago tumama ang Super Typhoon Yolanda sa kalupaan ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Nakapaghanda nang husto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagkakaloob ng mas maagang babala sa mga lokal na awtoridad upang mailikas ang mga tao sa papasok na malakas na bagyo.
Kung hindi kasi sa proyektong ito, inaasahang mas malaki pa ang bilang ng mga taong nasawi dahil sa bagyong Yolanda.
Hindi natin masisisi si PNoy na madismaya sa desisyon ng SC dahil talaga namang naapektuhan nang husto ang mahahalagang mga proyekto katulad ng Project NOAH na nakakapagligtas sa buhay at ari-arian ng mayorya ng mga Pilipino.
***
Magandang balita ang matinding papuri na ibinigay ni World Bank president Jim Yong Kim kay PNoy. Nagkita ang Pangulo at si Kim kamakailan matapos bumisita sa bansa ang opisyal ng WB kung saan idineklara nitong susunod na Asian “Miracle” ang Pilipinas.
Inihayag rin ni Kim ang pagkakaloob ng WB ng $119 milyon para sa konstruksyon ng bagong mga kalsada, tulay at sistemang pang-irigasyon sa Muslim Mindanao bilang suporta sa promosyon ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Sa isinagawang open forum na tinawag na Daylight Dialogue sa Malacañang, binalik-tanaw ni Kim na ibinaba ng WB ang pangkalahatang pagtataya sa paglago ng ekonomiya ng bansa mula 3.2 porsiyento tungong 2.8 percent.
Ngunit hindi ibinaba ng WB ang pagtaya sa paglago ng ekonomiya ng bansa kung saan pinanatili nito sa mataas na 6.4 porsiyento.
Nakakatuwa rin ang pananaw ni Kim na mararamdaman nang husto ang epekto ng magandang ekonomiya sa ilalim ng pamumuno ni PNoy hanggang sa panahong matapos na ang termino nito.
Nakakabilib rin ang pahayag ni Kim na si Pangulong Aquino sa tulong ng kanyang malinis na pamamahala ang dahilan sa likod ng magandang ekonomiya ng bansa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment