Monday, August 18, 2014

Huli ka!




                                                                            Huli ka!  
                                                                         Rey Marfil

Minsan pa, ipinakita ng pamahalaang Aquino na seryoso ang kasalukuyang gobyerno na iharap sa hus­tisya ang mga inaakusahang akusado anuman ang estado nito sa lipunan -- kahit pa dating matikas na heneral sa Sandatahang Lakas ng bansa.

Noon, kabi-kabilang akusasyon ang ibinabato ng mga makakaliwa at militanteng grupo laban sa gobyerno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaugnay ng paghahanap kay retired Army Major General Jovito Palparan, na binansagan nilang “Berdugo” dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa mga karapatang pantao.

Nasasakdal at may arrest warrant ang korte sa Bulacan laban kay Palparan bunga ng pagkawala ng dalawang babaeng estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2011.

Pero linawin lang natin, si Palparan ay akusado pa lamang at nananatiling “inosente” hangga’t hindi pa nahahatulan ng korte. Itinatanggi niya rin na may kinalaman siya sa mga ibinibintang sa kanya.

Buweno, nang mahuli noong nakaraang Marso sa Cebu ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, na itinuturong mataas na lider ng Communist Party of the Philippines, inulan ng kritisismo mula sa mga makakaliwang grupo ang gobyernong Aquino. Bakit daw pinuntirya ang mag-asawang Tiamzon gayung si Palparan ay hindi tinutugis.

Pero ‘yon ang akala nila, maling akala nila.

***

Nang ipangako ni PNoy na magiging patas ang lahat sa pagpapatupad ng hustisya at paghahanap sa mga taong nagtatago sa batas, seryoso rito ang Pangulo. At kamakailan nga lang, bumagsak na sa mahabang kamay ng batas si Palparan.

Gaya ni Palparan, kasama rin sa itinuturing “most wanted” ng batas ang mag-asawang Tiamzon na may malaking halagang pabuya sa kanilang ikadarakip. Sa mga nangunguna sa listahan ng bigating most wanted, tatlo na lang ang patuloy na hinahanap -- sina dating Congressman Ruben Ecleo Jr., dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nito na si Mario Reyes.

Nahuli na rin at nakakulong dahil sa kasong syndicated estafa ang negosyanteng si Delfin Lee.
Sa pagkakahuli kay Palparan, pinatunayan ni PNoy na patas na kumikilos ang mga awtoridad para maipatupad ang sistema ng hustisya sa bansa. Kahit pa sinasabing may mga nagkakanlong na militar sa dating heneral, nadakip pa rin siya. Katunayan, kasama ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa mga humuli kay Palparan at ilang miyembro mismo ng militar.

Kaya nga maging si Palparan na nagpabago ng itsura para hindi madaling makilala, napahanga sa mga nakaaresto sa kanya.

Ipinakita rin ng mga awtoridad na wala silang kinikilingan sa mga taong kanilang hinahanap -- rebelde man ito, mayamang negosyante o kahit pa dating opis­yal ng militar.

Pagpapatunay ito na seryoso ang gobyernong Aquino na ipatupad ang batas, at pagpapakita na hindi dapat katakutan ang mga awtoridad dahil kakampi sila sa paghahanap sa katotohanan.

Ngayon, dadaan na ang mga akusado sa tama at makatarungang proseso upang timbangin sa korte ang kanilang pananagutan sa ibinibintang sa kanilang kasalanan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: