Wednesday, July 30, 2014
Ang tiwala kay PNoy
Ang tiwala kay PNoy
Marami ang nagulat sa huling bahagi ng talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA). Malamang na hindi inasahan ng lahat na magiging emosyonal ang Presidente dahil mas madalas natin siyang nakikita na palaban sa kanyang mga inihahayag sa bayan.
Sa dami ng mga nagawa ng pamahalaan sa nakalipas na taon para paunlarin ang ekonomiya ng bansa, hindi nakapagtataka na tumagal nang mahigit isang oras at kalahati ang kanyang SONA.
Nararapat lang naman na ipakita ni PNoy ang mga proyektong pinaglaanan ng pondo ng bansa, kabilang na ang ipinatupad na Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklara ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang ilang bahagi.
Sa pamamagitan ng SONA, naipakita ni PNoy kung ilang kabataan ang nakinabang sa programang pang-edukasyon, mga nakakuha ng trabaho sa pamamagitan ng vocational courses, mga mahihirap na pamilyang nakinabang at patuloy na makikinabang sa conditional cash transfer program, mga nagawang infrastructure projects, pinaunlad na turismo, paglutas sa kriminalidad, pagpapalakas ng Sandatahang Lakas, at higit lalo na ang paglaban sa katiwalian alinsunod sa programang “tuwid na daan”.
Nitong mga nakalipas na linggo at maging buwan, naging abala ang mga kritiko ni PNoy sa paglabas sa media para araw-arawin ang pagbatikos sa kanya makaraang lumabas ang hindi paborableng desisyon ng SC kontra sa DAP.
Kung anu-anong bansag at mga akusasyon na naman ang ibinato sa Presidente hanggang sa ipaliwanag niya ang posisyon ng pamahalaan sa usapin ng DAP sa pamamagitan ng national address.
Pero maging ang national address ni PNoy na nagsilbing paunang pagpapaliwanag sa gagawing apela ng gobyerno sa naging desisyon ng SC, hinanapan pa rin ng butas ng mga kritiko. Para bang nais palabasin ng mga kritiko na sila ang malinis at tama kahit wala naman silang ginagawa para mapabuti ang kalagayan at buhay ng mga mahihirap nating kababayan.
Ngunit sa SONA nitong Lunes, naipakita ni PNoy na sa kabila ng mga batikos at puna na kanyang inaabot, tuloy lang ang kanilang trabaho sa pagsusulong ng mga programa at proyekto na pakikinabangan ng mga tao; mga tao na tinatawag niyang “boss” sa simula pa lang ng kanyang liderato; mga “boss” na una nang pinagsilbihan ng kanyang amang si Ninoy, na ipinagpatuloy ng kanyang inang si Cory.
Pag-alaala ni PNoy bago ang 2010 elections: “Mga boss, binigyan ninyo ako ng pagkakataong pamunuan ang transpormasyon... Kung tinalikuran ko ang pagkakataon, parang tinalikuran ko na rin ang aking ama’t ina at ang lahat ng inalay nila para sa atin. Hindi po mangyayari iyon.”
***
Tandaan natin na wala sa plano ni PNoy na tumakbong pangulo noong 2010, pero dahil ang bayan ang tumawag at nangailangan sa kanya, hindi niya tinalikuran ang bayan na pinagmumulan niya ng lakas. Sa panahon na nasa balikong daan ang bayan, tumindig si PNoy at pinangunahan ang mga mamamayan sa pagtahak sa “tuwid na daan”.
Pero gaya ng inaasahan, mayroon pa ring ayaw sa tuwid na daan at nais manatili sa balikong direksyon ng kalakaran kung saan sila nakikinabang sa kaban ng bayan. Ang masaklap nito, ang kakaunting nais manatili sa lihis na landas ay sila pang maingay at nakakahikayat sa ilan nating kababayan na magduda sa malinis na hangarin ni PNoy na baguhin ang masamang nakagawian ng nakaraang administrasyon.
Subalit hindi dapat padaig at magpaapekto si PNoy sa iilan na maingay. Higit na marami pa rin ang nagtitiwala sa kanya; mga Pinoy na para sa kanyang amang si Ninoy ay “worth dying for”, na worth living for, at ngayon ay “worth fighting for” kay PNoy.
Umayon man o hindi ang lahat, pero tiyak na higit na nakararami ang naniniwala na kabilang, kung hindi man pinakamahusay, pinakatapat at pinakamatino, na naging lider ng ating bansa si PNoy. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment