Pagdami ng negosyo | |
Magandang balita ang pahayag ng Philippine Exporters Confederation Inc. (PhilExport) na ilang mga kompanya ang nakatakdang mamuhunan sa bansa ng $500 milyon at kukuha ng 3,000 manggagawa. Plano ng mga kompanya na ilipat na ang kanilang negosyo sa bansa mula China na hindi na masyadong kaaya-aya sa kanilang produksyon.
Alinsunod sa pahayag ni Foreign Buyers Association of the Philippines (Fobap) president Robert M. Young, nabatid sa PhilExport ang napipintong pagbisita sa bansa ngayong buwan ng dalawang potensyal na mamumuhunan mula sa Pransiya, hindi pa kasama dito ang ilang mga kompanya mula sa Canada, China at United States sa Mayo.
Mahaba ang pisi ng mga negosyante na seryosong mamuhunan para sa produksyon ng mga apparel, garments, housewares, sapatos at laruan. Aalis ang mga kompanya sa China dahil sa sinasabing labor unrest sa mainland na nagresulta sa mahihinang kalidad sa hanay ng mga maggagawa at mas mataas na kapital.
Tinatalo ng Pilipinas ang ibang mga bansa sa Asya bilang alternatibong lugar ng pamumuhunan sa China dahil sa mataas na kalidad ng labor force sa bansa.
Plano ng Fobap na maitaas ang pinagmumulan ng goods mula sa itatayong mga pabrika kung saan sa lokal na merkado rin sisimulan ang pagbili ng mga kailangan sa negosyo.
Magandang balita talaga ito dahil alam ng buong mundo ang husay at hindi matatawarang talento ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.
***
Hindi ba’t kahanga-hanga ang paglilinaw ng administrasyong Aquino na hindi nito ibinebenta ang mga pampublikong ospital, isang magandang balita para sa mahihirap nating mga kababayan.
Reporma ang layunin ng pamahalaan upang mapabuti ang serbisyo na pilit na nilalagyan ng kulay ng mga kritiko kahit walang basehan para lamang mang-intriga.
Bahagi ito ng tinatawag na reporma sa pamamahala sa pagkakaloob ng pampublikong serbisyo sa kalusugan na kabaligtaran sa napaulat na nais ng administrasyong Aquino na isapribado ang 70 hanggang 100 pampublikong mga ospital sa bansa.
Sa katunayan, inaprubahan ang reporma na isasagawa sa Philippine Orthopedic Center (POC) ng mismong National Economic and Development Authority (NEDA).
Gagawin ito sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) project sa ilalim ng build, operate, and transfer scheme.
Ibig sabihin, bibigyan ang pribadong kompanya na isagawa ang disenyo, gastusan at itayo ang gusali ng proyekto kapalit ng operasyon at pagmintina ng ospital sa loob ng 25 taon.
Bagama’t mayroong bahagyang pagsasapribado, hindi naman 100 porsiyento dahil 30 porsiyento lamang ng 700 na higaan ang isasailalim sa pribadong serbisyo para mapabuti ang serbisyo ng kalusugan ng ospital.
Nangangahulugan na 210 kama lamang ng kabuuang 700 ang isasapribado at mananatiling pampubliko ang serbisyo sa nalalabing mas malaking 490 na kama.
Wala ring basehan ang pangamba na tataas ang billing sa ospital. Mananatiling mura ang singil sa POC katulad ng Heart Center at National Kidney Transplant Institute na pinatatakbo rin ng pamahalaan.
Para sa indigents o mahihirap na mga pasyente, sasagutin ng PhilHealth ang bills at magpapatuloy ang subsidiya ng pamahalaan sa POC sa loob ng limang taon.
Hindi rin naman isusuko ng pamahalaan ang pamamahala at kontrol sa POC kaya magpapatuloy ang maayos at mas pinabuting kalidad ng serbisyo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment