Monday, May 26, 2014
Hindi milagro
Hindi milagro
Rey Marfil
Nagsama-sama ang mga kilala at malalaking ekonomista sa mundo sa ginanap na World Economic Forum (WEF) on East Asia dito sa Pilipinas. Sa dami ng mga delegado na aabot sa 600, natural lang na marami rin silang sasabihin, na ang tinutumbok ay paghanga nila sa itinatakbo ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Dahil nakikita ng mga dayuhang ekonomista na steady ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa mga susunod pang taon, ipinapalagay nila na ang Pilipinas ang posibleng maging “next Asian miracle” mula sa dating bansag na “sick man of Asia”.
Pero hindi naman milagro ang nangyari sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Pinaghirapan ito ng pamahalaang Aquino at ng kanyang mga opisyal na nagsulong ng mga reporma. At isa sa pinakamatinding reporma na ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagputol sa kultura ng katiwalian.
Hindi biro ang ginagawang kampanya ng gobyerno na papanagutin ang mga dating opisyal na inaakusahang nagwaldas ng pera ng bayan.
Alinsunod na rin ito sa platapormang ipinangako ni PNoy sa bayan na “daang matuwid”, at “kung walang korap, walang mahirap”.
Pinatunayan ni PNoy na hindi lang slogan sa kampanya ang kanyang tinuran. Pagkatapos ng eleksyon at hinirang siyang lider ng mga tao, tinotoo niya ang kanyang pangakong malinis na pamamahala.
Kahit si Karim Raslan, ang chief executive ng Malaysia’s KRA Group at isa ring kolumnista, umaming nagbago ang pagtingin niya kay PNoy mula nang una niya itong makapanayam noong 2010.
Kabilang si Raslan sa mga delegado sa WEF, at ayon mismo sa kanya, nang una niyang makapanayam si PNoy noong 2010 ay kinakitaan niya ito ng kakulangan sa karisma. Akala niya, hindi magagawa ng Pangulo ang mga ipinangako nitong pagbabago at pag-unlad.
Kaya naman nang muli niyang makita ang Pangulo at marinig na magtalumpati sa isang pagtitipon sa Malaysia ngayong taon, nakita niya ang malaking pagbabago at nagawa nito ang mga ipinangako. Hindi man maingay si PNoy, tahimik nitong ginawa ang mga dapat magawa para sa bansa.
***
Gayunman, marami pa rin ang kailangang gawin ng administrasyong Aquino para lubos na makabangon sa kahirapan ang marami nating kababayan.
Batid naman ng Pangulo na walang saysay ang mga numero ng pag-unlad ng ekonomiya kung hindi ito napapakinabangan ng mga pinakamahihirap nating kababayan.
Maging ang mga delegado sa WEF ay may mga obserbasyon kung ano pa ang dapat gawin ng Pilipinas para lubos na makamit ang tagumpay at maging “next Asian miracle”.
Pero maliban sa pagpapatupad ng mga karagdagang programa at proyekto, nakikita rin nila na balakid ang limitadong termino ng Pangulo na hanggang anim na taon lang.
Sabi nga nila, lubhang maiksi ang anim na taong termino para sa isang matinong Pangulo. Kaya naman kasama sa rekomendasyon ng ilang delegado ay ang pag-aralan ang pag-amyenda sa Saligang Batas ng bansa para mapahaba ang termino ng Pangulo.
Ngunit hindi nangangahulugan na si PNoy ang makikinabang sakaling baguhin ang term limit ng Pangulo.
Sakaling kumilos ang Kongreso tungkol sa bagay na ito, mahalaga ang suporta at pagsang-ayon ng mga mamamayan.
Sila ang magsasabi kung nais nilang mabigyan ng pagkakataon si PNoy na tumakbong muli bilang lider ng bansa at maipagpatuloy niya ang kanyang mga programa.
Kung hindi naman, tuluyan na siyang bababa sa puwesto sa 2016, at magdarasal ang mga tao na sana ay ipagpatuloy ng papalit na pangulo ang mga nagawa ni Aquino para mangyari ang itinawag sa Pilipinas na “next Asian miracle”.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment