Monday, May 5, 2014

Manalig sa kapanalig


                                                                   Manalig sa kapanalig  
                                                                        Rey Marfil

Magandang pakinggan ang litanyang “walang tutulong sa Pilipino, kundi kapwa Pilipino”. Ngunit sa totoo lang, hindi sa lahat ng bagay ay kaya na nating tumayo sa sarili nating paa. Napatunayan natin iyan nang manalasa ang bagyong “Yolanda”.

Sa tindi at lawak ng pinsalang idinulot ni “Yolanda”, naparalisa ang operasyon ng ilang lokal na pamahalaan tulad ng Tacloban. Maging ang tulong mula sa pambansang pamahalaan ay hindi rin kaagad nakarating dahil walang madaanan.

Ngunit pagkaraan ng ilang araw, mabilis na nagdatingan ang tulong ng mga dayuhang bansa sa pangunguna ng ma­tagal na nating kaalyadong Amerika.
Sa tulong ng mga dayuhan, marami tayong kababayan ang nailigtas at natulungan; bagay na dapat nating tanawin at bigyan ng pagpapahalaga.

Ang matinding krisis na gawa ng kalamidad ay isa sa mga insidenteng hindi natin nais na maulit pa. Pero pa­paano pa kaya ang krisis na dulot ng digmaan? Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na nagsisimula pa lamang tayong pa­lakasin ang ating puwersa.

Masakit mang aminin, tiyak na madaling magagapi ang ating puwersa kapag may malaki at maunlad na bansa na tinoyong giyerahin tayo, bagay na huwag naman sanang mangyari dahil kawawa ang mga bata.

Kung tapang din lang naman ang pag-uusapan, tiyak na kahit bato at tirador ay hahawak ang ating mga kababayan para ipaglaban ang ating inang bayan. Subalit sa modernong panahon ngayon, higit sa tapang ang kailangan para manalo sa digmaan.

Kaya naman magandang pampalakas ng loob ang binitiwang pahayag ni US President Barack Obama sa kanyang ikalawang araw na pagbisita sa bansa mula sa imbitasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na patuloy na kini­kilala ng Amerika ang matagal na alyansa ng dalawang bansa.

***

Malinaw pa sa mineral water ang sinabi ni Obama sa harap ng mga sundalong Pinoy at Kano, at mga opisyal ng dalawang bansa, na “The United States has an ironclad commit­ment to defend you [Pilipinas], your security and your independence.”

Pero siyempre, may ilan sa ating mga kababayan ang nagtataglay ng masamang ugali na “sala sa init, sala sa lamig”.
Sa kabila ng deklarasyon na iyon ni Obama, may ilan pa rin na tamang duda at hindi naniniwala na sasaklolo sa atin ang mga Kano sa panahon ng digmaan.

Sa unang araw ng pagdating ni Obama sa Pilipinas, nagbigay siya ng pahayag sa media na pinuna rin dahil sa kawalan daw ng malinaw na deklarasyon ng US na sasaklolo sa bansa kapag humantong sa giyera ang agawan ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Ang kaso, mukhang bumuwelo lang si Obama at tila gi­namit ang kasabihang “save the best for last”.
Dahil bago siya umalis, binitiwan niya ang pahayag na nais marinig ng mga Pinoy sa kanya na sasaklolo ang US at hindi mag-iisa ang mga kaalyado nilang bansa sa panahon ng pag-atake ng ibang bansa.

Kung tutuusin, sinadya yata talagang sabihin ni Obama ang nabanggit na pahayag sa huling araw niya sa bansa, at ginawa pa niya ito sa harap ng mga sundalo at mga beterano ng World War II kaya naman naging mas dramatiko at may diin.

Gayunpaman, marami pa rin ang duda; hindi lamang sa deklarasyon mismo ni Obama kundi maging sa nilalaman ng kasunduan ng Pilipinas at US sa Visiting Forces Agreement at maging sa pinakabagong Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Hindi sa naghahangad tayo ng “false hope” o maling pag-asa na may prinsipeng sasagip sa Pilipinas kapag nagkaroon ng digmaan.
Ngunit hindi natin dapat pagdudahan ang katapatan ng kaalyado nating bansa na nagsabing tutulong sila sa panahon ng ating kagipitan.

Bukod diyan, huwag naman sanang mangyari na mapasok tayo sa giyera para lang malaman natin kung tu­tuparin ng US ang kanilang pangako.
Sapat na marahil ang ipinakita nilang pagdamay sa atin noong manalasa si Yolanda para maipakita ng mga Amerikano na nandiyan lang sila sa tabi kapag ating kinailangan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: