‘Wag praning sa EDCA | |
Rey Marfil |
Kasabay ng pagbisita sa Pilipinas ni US President Barack Obama, napirmahan din ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika para pag-ibayuhin ang kasanayan at kooperasyon ng dalawang bansa sa aspeto ng military training at pagtugon sa kalamidad -- ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Pero gaya ng inaasahan, kung anong tahimik ng mga militante at makakaliwang grupo sa ginagawang pambabarako ng China sa Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea, siya namang ingay nila sa nabuong kasunduan sa EDCA at sa pag-a-“eye ball” nina Obama at Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III.
Kahit hindi pa nila alam ang buong laman ng EDCA, kaliwa’t kanang mga alegasyon na ang ipinukol dito gaya ng pagbabalik daw ng mga base militar ng US, pagpasok ng mga armas nukleyar, at pati ba naman ang pang-aabusong gagawin daw ng mga sundalong Kano sa ating mga kababayang Pinay. Aba’y nalahian ba sila ni Nostradamus para mahulaan ang mga magaganap sa nilalaman ng tratado o sadyang napraning lang ang mga kritiko ng kasunduan?
Sina Pangulong Aquino at Obama na mismo ang nagsabi na ang EDCA ay hindi paghahanda sa anumang uri ng pakikidigma. Layunin nito na balansehin lamang ang puwersa sa ating rehiyon ng Asya kung saan namamayagpag ang komunistang bansa na China -- na mistulang nais angkinin ang lahat ng bahagi ng West Philippine Sea pati na ang malapit sa ating teritoryo.
Bukod dito, maituturing na dagdag pundasyon sa pagkakaibigan ng Pilipinas at US ang EDCA dahil mayroon na tayong umiiral na Visiting Forces Agreement, at maituturing na bahagi ng paglilinaw sa laman ng kasunduan o tratado ang EDCA.
Sa totoo lang, malabo pa sa ilog na pinagbabaran ng kalabaw na magbalik ang mga base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni PNoy. Matatandaan na napaalis ang mga base militar ng US sa boto ng mga Senador noong 1991 sa ilalim ng termino ng kanyang namayapang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.
Isa pa, wala naman sigurong bansa na nais pumasok sa digmaan kaya hindi dapat isipin na paghahanda na sa giyera ang EDCA. Nagpahayag na noon pa man si Pangulong Aquino na idadaan natin sa mapayapang paraan ang usapin ng West Philippine Sea kaya tayo dumulog sa United Nations tribunal.
***
Maging ang China rin naman ay nagsabing wala sa kanilang isipan ang gumamit ng puwersa sa paglutas sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo. Pero siyempre, ilang beses na nating nakita kung papaano kumilos ang China at patunay diyan ang pagtatayo nila ng mga kongkretong gusali sa isang pinag-aagawang isla.
Sa kanyang mensahe sa bansa, nilinaw din ni Pangulong Obama na para rin siya sa kapayapaan pero dapat igalang ng bawat bansa ang kalayaan ng ibang bansa. Kaya “peace” sign ang dapat nating ipakita sa mga pagtitipon at hindi kuyom na kamao.
Buweno, kung malabo ang bagaman aspeto ng digmaan sa Asya, tiyak naman ang pagtama ng mga kalamidad sa Pilipinas at iba pang bansa sa rehiyon ng Asya bawat taon. Isa ito sa mga layunin ng kooperasyon at pagsasanay ng Pilipinas at US sa EDCA. Bukod sa kulang tayo sa mga kagamitan para sa pakikidigma, malaki rin ang kakulangan natin sa pagtugon sa malalaking kalamidad gaya ng pagtama ni “Yolanda”.
Dito, nakita natin ang malaking tulong na naibigay ng US at maging iba pang maunlad na bansa na may sapat na kagamitan para tumugon sa pangangailangan ng mga biktima. Habang ang China, tila nagpatumpik-tumpik pa sa pagpapadala ng serbisyong medikal.
Ang pagpapatibay ng diplomatikong ugnayan nina Aquino at Obama, at ang pagkakalagda ng EDCA, ay hindi lang para sa ating mga Filipino, ito ay para rin sa buong rehiyon ng Asya.
Kakailanganin natin ang tulong ng US hangga’t hindi natin masasandalan ang dapat sana’y “big brother” natin sa Asya -- ang China.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment