Wednesday, May 14, 2014

Paggahasa sa yamang-dagat


                                                             Paggahasa sa yamang-dagat  
                                                                         Rey Marfil

Kalunus-lunos ang kumalat na mga larawan sa social media kamakailan na nagpapakita ng mga pawikan na kung hindi patay, tungkab na ang mga bao, at ang iba’y naghihingalo habang nakataob at nakabilad sa araw. Ang mga yamang-dagat na ito ay nakumpiska ng mga awtoridad sa bangka na pag-aari “na naman” ng mga mangingisdang Chinese sa karagatang sakop ng Pilipinas sa Palawan.
Maliban sa usapin ng “poaching” at “agawan sa te­ritoryo” sa West Philippine Sea, napakahalagang usapin sa pangyayaring ito ang patuloy na panghuhuli sa mga yamang-­dagat na nakasaad na “endangered” species o na­nganganib nang maubos.
Hindi natin masisisi kung maghimutok ang mga environmentalist sa pinakabagong insidenteng ito ng panghu­huli sa mga yamang-dagat na pilit nilang isinasalba at pinaparami, gayung ang mga lintek na mangingisdang Tsino at mga kasabwat nilang mangilan-ngilang mangingisdang Pinoy ay nagpipiyesta sa pagpatay sa mga kawawang hayop.
Dagdag inis pa sa sitwasyong ito ang lakas ng loob ng pamahalaang China na iutos na pakawalan ang mga kababayan nilang walang habas na nang-aabuso sa kalikasan at yamang-dagat ng Pilipinas. Dapat daw palaya­in ang mga mangingisdang killer ng mga pawikan dahil sa karagatan daw naman nila nanghuhuli ang mga ito.
Pero napanis lang ang laway ng China sa hirit na ito dahil tinuloy ng lokal na awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mangingisdang Intsik na tirador ng pawikan. Bakit hindi sila doon sa karagatan na sakop nila utusan ang mga kababayan nilang magmasaker ng pawikan? O baka naman “extinct” na at sa drawing at picture na lang nila maki­kita ang pawikan nila dahil itlog pa lang ang mga ito ay tini­tira na nila?
Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga ma­ngingisdang Tsino na nahuling nangingisda sa karagatang teritoryo ng Pilipinas. Buti sana kung karaniwang pangi­ngisda lang ang pakay nila, eh hindi. Kung ano ang mga isda at yamang-dagat na ipinipreserba natin at pinaparami, iyon ang kanilang kinakana. Gaya na lamang ng mga pawikan at maging ang mga higanteng taklobo.
***
Napag-uusapan ang “poaching”, hindi ba’t noon lang nakaraang taon ay may nasabat ding mga Tsino na nagpupuslit ng mga pongohin o anteater. Ang masaklap sa usa­ping ito, sa kabila ng paulit-ulit na pagkakahuli sa kanila, wala rin silang tigil sa panghihimasok sa ating teritoryo at gahasain ang ating likas na yaman.
Sa isang pahayag ng World Wildlife Fund (WWF), tina­tayang nasa 900 dayuhang mangingisda na ang nahuli at nakasuhan dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas sa nakalipas na siyam na taon. At sa nasabing bilang ng mga dayuhan, mahigit 600 sa mga ito ay mga Chinese.
Mistulang kinukunsinti rin ng pamahalaang China ang ginagawa ng kanilang mga kababayan na mang­gahasa sa kalikasan. Dahil sa napakaraming insidente na nasakote ang kanilang mga kababayan na may huling mga en­dangered a­nimals sa kanilang bangka, kahit minsan ay hindi na­ibalita na kinondena ng liderato ng China ang ginagawa ng kanilang mga kababayan.
Kahit pa iginigiit ng pamahalaan ng China na sa kanilang teritoryo ng karagatan nanghuhuli ang kanilang mga kababayan, hindi nila dapat hayaan na abusuhin ng mga ito ang likas-yaman ng dagat, maliban na lang kung sadyang pinababayaan at pinapayagan nila ang hindi magandang gawain ng mga mangingisda.
Kasabay ng pagkondena sa ginagawang pamba­barako ng China sa mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas at Vietnam sa usapin ng agawan ng teritoryo, dapat ding batikusin sa pinakamariing pahayag ang anumang gawain ng pang-aabuso sa mga yamang-dagat na ginagawa ng kanilang mga kababayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: