Monday, May 12, 2014

Tinutumbok ang tamang daan


                                                           Tinutumbok ang tamang daan  
                                                                     Rey Marfil


Pagkalipas ng anim na buwan mula nang iwasiwas ng bagyong “Yolanda” ang malaking bahagi ng gitnang kabisayaan at ilan pang lugar, hindi lang ang naganap na trahedya ang mababakas pa rin kundi maging ang pag-asa at katatagan ng ating mga kababayan na makabangon sa pagkakalugmok. Huwag nating kalimutan na hindi pang­karaniwang bagyo si “Yolanda” na kumitil ng mahigit 6,000 buhay at sumira ng libu-libong tahanan.
Maging ang mga dayuhang bansa ay namangha sa lakas ni “Yolanda” sa lawak ng pinsalang iniwan nito sa Pilipinas. Sa madaling salita, malaking trabaho ang kailangang gawin ng pamahalaan para maibalik sa dati ang takbo ng pamumuhay ng ating mga kababayan.
Kaya naman madaling maunawaan kung sa susunod na buwan ng Hunyo pa mabuo ang master plan sa gaga­wing rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta, na panga­ngasiwaan ni Presidential Assistant for Recovery and Rehabilitation (PARR) Secretary Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Sa pagtaya ng dating senador, aabutin ng P106 bil­yon ang gugugulin sa gagawing rehabilitasyon ng mga napinsalang lugar, kasama na ang pagtatayo ng mga bagong kabahayan. Ang good news mula kay Sec. Lacson -- naibaba ang gastusin mula sa tinatayang P300 bilyon dahil sa tulong ng mga pribadong sektor, malinaw ang pagtitiwala sa gobyerno ng mga negosyante.
Pero hindi lang basta rehabilitasyon ang direktibang ibinigay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino kay Lacson at sa iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno. Nais niyang mas matibay at mas ligtas ang mga lugar na paglilipatan ng mga tao at ang mga itatayong gusali tulad ng mga paaralan at ospital.
Ang komprehensibong plano na magmumula sa mga rekomendasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education, Department of Public Works and Highways, Department of Trade and Industry, Office of the Vice President, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa, ay isusumite kay PNoy para makuha ang kanyang pag-apruba na isagawa na ang plano.
***
Kung masusunod ang inaasahang takdang oras ng pagbuo ng master plan, naniniwala si Sec. Lacson na maisasagawa at matatapos ang may 80 porsyento ng gagawing rehabilitasyon bago matapos ang termino ni PNoy sa June 2016. Kaya naman mahalaga ang pagtutulungan at koordinasyon ng lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa proyektong ito para makabangon sa lalong madaling panahon ang mga biktima ni “Yolanda”.
Sa pagsusuri ni Lacson, naniniwala siya na ginagawa naman ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang kanilang trabaho para matulungan ang ating mga kababayan. Tingin niya, nasa tamang daan ang tinatahak na direksyon ng gobyerno para sa ginagawang rehabilitas­yon. Palatandaan umano nito na kahit papaano ay bumabalik na sa normal ang ilang lugar na napinsala ng bagyo.
Wala rin namang malawakang gutom na nangyayari sa mga naapektuhang lugar, walang epidemya ng sakit at walang kaguluhan na para bang kailangang gumawa ng masama ang mga tao para sila mabuhay.
Dahil na rin sa naunang direktiba ni PNoy na aksyunan agad ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhang kababayan, nagsagawa ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ng mga bunkhouses na pansamantalang tirahan ng ating mga kababayan. Batay sa ulat ng DSWD, nasa 265 bunkhouses ang may 3,455 pamilya. Iba pa ang mga nabigyan ng emergency shelter kits at ayudang pagkain sa mga nakaligtas sa trahedya ni “Yolanda”.
Pero malayo pa ang daang tatahikin ng mga pamahalaan at ng ating mga kababayan para sa tuluyan at lubos na pagbangon mula sa hagupit ni “Yolanda”. Ipagdasal din natin na sana ay wala na munang katulad na kalamidad ni “Yolanda” na tumama sa bansa para matutukang mabuti ng ating mga opisyal ang programa ng rehabilitasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: