Friday, May 23, 2014
Kakaiba si Singson!
Kakaiba si Singson!
Milyun-milyong mga biyahero ang makikinabang sa tuluy-tuloy na konstruksyon at pagpapabuti ng drainage system at kalsada sa kahabaan ng España Boulevard sa Sampaloc, Manila na tatapusin sa loob ng dalawang buwan sa halip na regular na tatlong buwan.
Ipatutupad ang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga Pilipino.
Inatasan na ni DPWH Sec. Rogelio Singson ang DPWH National Capital Region na isagawa ang 24/7 na trabaho sa España Boulevard Phase 2 Project ng North Manila Engineering District sa pagitan ng P. Campa Street hanggang N. Reyes Street (Lerma) na nagsimula nitong Mayo 15, 2014.
Sakto rin ang implementasyon ng proyekto para sa pagbubukas ng klase sa mga kolehiyo sa darating na Agosto. Makakatulong ang P14.3 milyong proyekto upang hanapan ng solusyon ang pagbabaha sa lugar na kinabibibilangan ng pagpapabuti sa drainage system sa kanto ng España Blvd. at P. Campa St. at pagpapataas ng konkretong kalsada mula Lerma patungong P. Campa Street.
Isasagawa rin ang pagpapalawak ng kalsada papuntang Quiapo sa pagitan ng Paquita at R. Papa Streets kasabay ng flood-mitigation project.
Upang maiwasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko, inobliga ng North Manila District Engineering Office ang kontraktor na Steven Construction and Supply na magpakalat ng traffic aides/enforcer na mayroong two-way radio communication para tulungan ang Manila City at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcers sa panahon ng implementasyon ng proyekto.
Sa orihinal na plano, sisimulan sa unang quarter ng 2011 ang implementasyon ng España Boulevard Project Phase 2 subalit nabigyan lamang ng permiso ng MMDA noong Mayo 7, 2014.
Ngunit ipinagpaliban upang mabawasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko dahil sa konstruksyon noon ng Quezon Avenue Underpass sa kanto ng Quezon Avenue at G. Araneta Avenue sa Quezon City at ang panukalang España Boulevard Underpass at A.H. Lacson Flyover.
Mabuti rin ang ipapatupad na alternate route para sa northbound vehicles na kinabibilangan ng mga sumusunod na direksyon: mula Quezon Boulevard patungong A. Mendoza, Laon Laan, Dimasalang or A. Mendoza, J. Barlin, P. Noval, España Boulevard o C.M. Recto Avenue, Legarda, Earnshaw, SH Loyola; at mula Taft Avenue patungong Ayala, P. Casal, Legarda, Earnshaw, SH Loyola.
Sa southbound vehicles, irerekomenda ang mga rutang mula Quezon Avenue patungong Kanlaon, P. Florentino/P. Margal/Dapitan, A. Mendoza, Quezon Boulevard (Quiapo); mula Rodriguez Avenue patungong Josefina, J. Fajardo, Earnshaw, Legarda, C.M. Recto Avenue; from España Boulevard take A. H. Lacson, Earnshaw, Legarda, C.M. Recto Avenue or take Adelina, A. Mendoza, Quezon Boulevard (Quiapo).
Sa tulong ng MMDA at City of Manila, ipatutupad ang “no parking” na polisiya sa Dapitan, Laon Lan, A.H. Lacson, P. Noval -- R. Papa -- P. Paredes, J. Barlin, SH Loyola, at N. Reyes.
Bahagi ito ng malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino upang lalo pang mabigyan ng serbisyo ang mga Pilipinong araw-araw na bumibiyahe. At ipagpasalamat ng publiko ang pagkakaroon ng isang malinis at matinong DPWH Secretary sa katauhan ni Babes Singson!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment