Friday, May 9, 2014
Mas simple!
Mas simple!
Hindi ba’t kapuri-puri ang hakbang ng Department of Science and Technology (DOST) na lalong pagbutihin pa ang pagbabalita sa publiko kaugnay sa taya ng panahon sa bansa para sa kaligtasan ng mas maraming mga buhay at pagsasalba ng mga ari-arian.
Tugon ito sa kanilang pag-aaral na hindi pa rin sapat ang kaalaman ng publiko kaugnay sa mga isyu ng kalagayan ng panahon, klima at trahedya.
Isinagawa ang pag-aaral ng Department of Science and Technology Information Institute (DOST-II) at Nationwide Operational Assessment of Hazards o Project NOAH strategic communications team.
Lumabas sa kanilang pananaliksik ang paniniwala ng publiko na hindi sapat ang kaalaman ng mga ito sa nakukuhang mga impormasyon sa lagay ng panahon dahil masyado itong “scientific” at sobrang pangkalahatan kaya naman hindi lubos na maunawaan.
Ginawa naman ang pananaliksik upang madetermina kung naging epektibo ang serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa publiko at lalo pang mapabuti.
Dahil dito, nalaman ng kinauukulan ang pangangailangan na gawing simple ang pag-uulat sa panahon.
Hindi lamang simpleng pagsasalin mula English tungong bernakular ang kailangang gawin sa pag-uulat ng panahon kundi pagpapaliwanag na rin hinggil sa mga terminong ginagamit at mga konsepto.
Nalaman rin na pangunahing inaasahan ng mayorya ng mga Pilipino sa kalagayan ng panahon ang telebisyon na sinundan ng radyo, dyaryo, Internet, mobile phones at barangay officials.
Maganda dito ang tama at agarang tugon ng DOST na pagbutihin pa at gawing simple ang pagpapakalat ng impormasyon sa buong bansa hinggil sa lagay ng panahon.
***
Isa pang magandang balita ang pag-upgrade ng U.S. Federal Aviation Administration (FAA) kaugnay sa kaligtasang panghimpapawid ng bansa matapos makuha ang Category 1 mula sa Category 2 na estado na siguradong malaking tulong para sa turismo.
Ibinaba ng U.S. FAA ang bansa sa Category 2 dahil sa ilang mga isyu sa seguridad noong 2008. Dahil dito, makakalipad lamang ang mga eroplano ng bansa sa U.S. sa ilalim ng mahigpit na regulasyon ng FAA.
Ipinapakita ng upgrade ang kakayahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ipatupad ang institusyunal na mga reporma upang tiyakin na maaaring makipagsabayan ang industriyang panghimpapawid ng bansa sa pandaigdigang pamantayan sa kaligtasan.
Nakapasa kasi ang bansa sa pamantayang itinakda ng International Civil Aviation Organization (ICAO).
Nangyari ang upgrading sa gitna ng paborableng aksyon at pagkilala ng European Union kaugnay sa pagtalima ng mga eroplano ng bansa sa kanilang pamantayang panseguridad.
Kabilang sa benepisyo ang mas malawak na pagbiyahe sa mga ruta sa US, paggamit ng mga eroplanong mas makakatipid sa gasolina, at mas mabilis na pagsulong ng turismo at sektor ng paliparan.
Pinupuri natin ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at CAAP dahil nagresulta ang kanilang pagsisikap para maayos ang mga problema ng nakaraan.
Hindi magiging matagumpay ito kung hindi tumalima ang kinauukulan sa malinis na pamamahala na isinusulong ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa ilalim ng matuwid na daan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment