Friday, May 30, 2014

Importanteng gastusin!



                                                                Importanteng gastusin!  
                                                                      Rey Marfil


Patuloy ang paglalaan ng administrasyong Aquino ng malaking pondo para sa programang imprastraktura ngayong taon, as in umabot sa P49.8 bilyon ang nagastos sa imprastraktura at capital outlay (CO) simula noong Pebrero 2014 kumpara sa P33.3 bilyon sa kaparehong yugto noong 2013.

Lumalabas na tumaas ito ng 49.2 porsiyento o P16.4 bilyon, pagpapakita na talagang pinahahalagahan ng pamahalaan ang pagpapabuti ng mga imprastraktura upang lalong magpatuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Mas mataas rin ng 11 porsiyento ang pangkalaha­tan na P313 bilyong pondo sa imprastraktura kumpara sa P282 bilyong naitala sa parehong panahon noong 2013.

Dahil sa malaking pamumuhunang ito, inaasahan natin na maraming trabaho ang malilikha upang mabigyan ng purchasing power ang kanilang mga pamilya.

Sa katunayan, mismong ang Standard and Poor’s (S&P) ang kumilala sa matinding progreso ng bansa dahil sa mga reporma at malinis na pamamahala nang itaas ang investment grade natin ng isang antas na pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kabilang sa mahahalagang pinagkagastusan ng pondo ang mga programa sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program ng Department of Natio­nal Defense (DND), iba’t ibang proyektong imprastraktura sa Department of Public Works and Highways ­(DPWH), ilang transport infrastructure projects katulad ng pagkumpuni sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ng Department of Transportation and Communications (DOTC), at health facilities enhancement program ng Department of Health (DOH), at iba pa.

Asahan pa nating lalong lalaki ang paggastos sa imprastraktura na lilikha ng karagdagang trabaho sa patuloy na rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda.

Bumuti ang paggastos ng pamahalaan sa mga programang imprastraktura dahil sa malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

***

Isa pang magandang balita anng pagtukoy ni Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz sa 99% na hindi pormal na manggagawang sektor na kabilang sa mga prayoridad na mabibigyan ng sosyal na proteksyon sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Tinapos na ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang “profiling” ng 390,253 hindi pormal na sektor o 99 porsiyento ng target nitong 391,200.

Kabilang sa tinatawag na vulnerable workers o mga mahihina at madalas tamaan ng krisis ang mga nasa sektor ng agrikultura, forestry, mangingisda, at serbisyo na kabilang sa tinatayang 15.3 milyong hindi pormal na sektor na manggagawa na matibay na kabalikat naman sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

Kaya naman tinututukan ng DOLE ang mga sektor na ito sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga progra­mang pangkabuhayan.

Pinupuri natin ang malaking kontribusyon ng tinatawag na Workers in the Informal Sector (WIS) na kumakatawan sa 41 porsiyento ng kabuuang labor force.

Sa bilang ng WIS, 11 milyon dito ang self-employed at 4.3 milyon ang tinatawag na hindi sumusuweldong manggagawa na kasapi ng pamilya.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: