Wednesday, May 28, 2014
Ang tingin sa daang matuwid
Ang tingin sa daang matuwid
Maliban sa iilang nagpapansin, dapat ikatuwa ng mga Pilipino na matagumpay na nairaos ng bansa ang World Economic Forum (WEF) na ginanap sa Maynila noong nakaraang linggo. Habang busy ang gobyerno sa pag-estima sa mahigit 600 dayuhang bisita para i-promote ang bansa at ekonomiya, busy naman ang iba sa pamumulitika.
Hindi biro mga kabayan ang mga dumalo sa WEF dahil kinabibilangan ito ng mga opisyal, negosyante at ekonomista sa iba’t ibang bansa. Mistulang puno na hitik sa bunga ang resulta ng pagtitipon kung saan kinilala ang malaking pagbabago ng Pilipinas sa ilalim ng liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Batid ng mga dumalo sa WEF ang malaking potensyal ng Pilipinas bilang susunod na “Asian miracle” pagdating sa malagong ekonomiya.
Ang kaso nga lang, batid din nila na magtatapos ang pamamahala ni Aquino sa kalagitnaan ng 2016 o halos dalawang taon na lamang. Kumbaga sa larong basketball, ngayon pa lang talaga umiinit ang laban pero kailangan na ang substitution papalitan na agad ang captain ball na si PNoy.
Kaya naman kasama sa rekomendasyon ng ilang dumalong ekonomista ang posibilidad na amyendahan ang ating Saligang Batas at habaan ang termino ng Pangulo. Maraming beses na rin kasing may nakapuna na tila maigsi ang anim na taon para sa isang matino at mahusay na Pangulo, at mahaba naman sa isang tiwali at bulok.
Ang paglilimita sa termino ng Pangulo sa anim na taon at isang beses lamang maaaring hawakan ang pinakamataas na posisyon sa bansa, ay dulot ng trauma na dinanas ng mga Pinoy sa liderato ng namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Umabot kasi ng 20 taon ang kanyang liderato, kung saan malaking bahagi pa nito ay nasa ilalim ng batas militar. Inakusahan si Marcos na nagpasasa sa yaman ng bayan at mga paglabag sa karapatang pantao.
Kaya naman nang mapatalsik siya sa kapangyarihan sa pamamagitan ng EDSA 1 people power revolution noong 1986, naging prayoridad sa binagong Konstitusyon na limitahan na hanggang anim na taon lang puwedeng maupo ang isang Presidente.
***
At ngayon na nakikita ng mga lider, ekonomista at negosyante ang malaking potensyal ng Pilipinas na maging next Asian miracle, lumutang ang usapin ng Charter Change o Chacha.
Pero linawin lang natin mga kabayan, ang suhestyon ay hindi galing kay PNoy o sa Palasyo, ito’y galing sa mga dumalo sa WEF na may kani-kanilang pananaw at hindi naiimpluwensyahan.
Katunayan, ilang beses nang dumistansya ang Malacañang sa inisyatiba ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na amyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas.
Ngunit natural, may mga adik na tila praning na pilit na iuugnay si PNoy at Palasyo sa hakbang na ginagawa ng Kongreso.
Sa paglutang ng mungkahi sa WEF tungkol sa posibilidad na habaan ang termino ng Pangulo, malamang na mabuhay din uli ang usapin ng term extension sa mga public officials lalo pa nga’t nakabinbin sa Kamara ang resolusyon tungkol sa Charter Change ng economic provisions.
Ngunit kung talagang seryoso si Speaker Belmonte sa kanyang posisyon na tanging para sa usapin lamang ng ekonomiya ang gagawin niyang Chacha, dapat niyang harangin ang anumang gagawing pagtatangka na magalaw ang term limits sa lahat ng opisyal ng gobyerno, lalo na kung gagamitin lamang nilang katwiran ang mungkahi sa WEF tungkol sa termino ng Pangulo.
Gayunpaman, habang papalapit ang 2016 national elections ay umiinit na rin ang bangayan at patutsadahan ng mga pulitiko at kanilang mga alipores.
Pero hindi dapat magpaapekto dito ang administrasyong Aquino at sa halip ay dapat na manatiling diretso ang tingin nito sa pagpapaunlad ng ekonomiya hanggang sa makarating at mapakinabangan ng mga mahihirap na kababayan sa nagaganap na kaunlaran ng bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment