Wednesday, May 21, 2014
Makiisa, makisama sa WEF
Makiisa, makisama sa WEF
Laging bilin ng ating mga magulang at mga nakatatanda na maging “behave” kapag may bisita. Kasama na kasi sa kultura natin ang pagiging hospitable, o ang pagiging mahusay sa pag-istima ng bisita, na isa sa mga kilalang tatak ng mga Pilipino sa buong mundo.
Sa Miyerkules hanggang Biyernes, tinatayang 600 lider at mga opisyal sa may 30 iba’t ibang bansa ang darating sa Pilipinas para dumalo sa mahalagang pagtitipon na World Economic Forum (WEF) on East Asia.
Magandang pagkakataon ang pagiging host ng Pilipinas sa naturang pagtitipon ngayong kinikilala ang ating bansa na may pinakamasiglang ekonomiya sa Asya sa nakalipas na ilang taon mula nang mamuno si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Hindi na nga mabilang ang mga credit upgrade na ibinigay ng iba’t ibang financial credit institution sa buong mundo para sa Pilipinas. Ibig sabihin nito, malaki ang kumpiyansa at tiwala sa Pilipinas ng mga institusyong nagpapautang na kaya nating magbayad.
Katunayan sa isang ulat, sinabi ni Rajiv Biswas, Asia-Pacific chief economist para sa IHS, ang nagbigay ng kanyang pagtaya na lalago sa $1 trilyon ang ekonomiya ng Pilipinas pagsapit ng 2030. Ibinase niya ito sa patuloy na magandang takbo ng ating ekonomiya sa nakalipas na mga taon at positibo pa ring pananaw sa hinaharap ng bansa.
Sa ngayon, sinabi ng ekonomista na nasa $280 bilyon ang economiya ng Pilipinas, na lalago sa $680 bilyon pagsapit ng 2024 at $1.2 trilyon sa 2030. Sana lang ay buhay pa tayo para personal nating makita kung nagdilang-angel si Biswas.
***
Buweno, sa magandang takbo ng ating ekonomiya, hindi natin hahangarin na mapulaan tayo ng ating mga magiging bisita sa WEF dahil lamang sa gagawing pagkilos ng iilan. Tandaan natin na aabot sa 600 lider, mga opisyal at mga negosyante mula sa may 30 bansa sa iba’t ibang panig ng mundo ang aapak sa ating “bahay”.
Kapag may piyesta, marami sa ating mga magulang ang nangungutang pa ng pera para may maihanda lamang sa ating mga bisita. Sabi nga ng mga nakatatanda sa atin, hindi bale nang mahirapan maging masaya lamang ang mga bisita at walang masabing masama sa ginawang pag-istima sa kanila.
Sana lang ay mapairal natin ang magandang kulturang ito sa mga dayuhang dadalo sa WEF para mag-iwan sa kanila ng magandang impresyon at maibalita nila sa kanilang mga kababayan na tunay ngang “Its More Fun In The Philippines”.
Kapag nangyari ito, makatutulong ito ng malaki sa ating turismo, na makatutulong ng malaki sa ating ekonomiya, na makatutulong din ng malaki para makalikha ng mga trabaho sa ating mga kababayan.
Kaya naman dapat sigurong magdalawang-isip ang mga militante sa kanilang mga plano na magsagawa pa ng mga protesta sa mga araw na isinasagawa ang WEF para lamang ipahiya ang ating bansang Pilipinas sa paningin ng mga dayuhang lider, opisyal at mga negosyante.
Sa halip na ang pagiging host ng Pilipinas ang kanilang iprotesta at kung anu-ano pang isyu na wala namang kaugnay sa nabanggit na pagtitipon, mas okey siguro kung ang mga militante ay magtitipun-tipon sa konsulado ng China para iprotesta ang ginagawang reclamation sa Mabini Reef na inaangkin ng Pilipinas.
Ang kaso, nagpahayag na ang China na tila iisnabin nila ang WEF sa harap ng mainit na isyu sa ginagawa nilang pagbabarako sa Pilipinas at Vietnam sa West Philippine Sea o South China Sea.
Gayunpaman, dahil mga lider ng iba’t ibang bansa ang nandito sa atin, asahan na may mga lugar at kalye na hindi madadaanan sa mga takdang oras. Gaya ng hiling natin, makiisa at makisama dahil ang benepisyong idudulot naman ng WEF ay hindi lang para sa atin kundi sa buong bansa at sa mga susunod pang henerasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment