Wednesday, May 7, 2014
‘Wag balewalain
‘Wag balewalain
Sa nakalipas na mga buwan, lumilitaw sa pag-aaral ng mga meteorologist sa mundo na lumalaki ang tsansa na magkaroon El Niño o matinding tagtuyot ngayong taon. Kaya naman ang pamahalaang Aquino, nanawagan sa mga ahensya ng pamahalaan at maging sa mga mamamayan na maghanda sa magiging epekto nito sa bansa.
Sa ipinalabas na ulat ng iba’t ibang ahensya sa mundo na sumusubaybay sa klima ng mundo gaya ng World Meteorological Organization at ang Bureau of Meteorology ng Japan at maging ng Australia, nagkakatugma ang kanilang pag-analisa na mahigit 50 porsiyento ang tsansa na magkaroon ng El Niño ngayong taon.
Bagaman tagaktak na ang pawis natin ngayon na abot hanggang singit, alam niyo ba na hindi pa ito ang pinakamatinding epekto ng weather phenomenon na El Niño. Posibleng sa June pa rin lubos na makukumpirma na mayroon talagang El Niño at ang negatibong epekto nito ay mararamdaman natin sa huling bahagi ng taon.
Ano naman ang masamang epekto ng El Niño sa atin maliban sa makakasira ng porma at aalingasaw ang samyo ng putok ng kili-kili ng katabi mo sa jeepney o bus? Buweno, dahil mangingibabaw ang mainit na daluyong ng hangin, magiging madalang ang kaulapan na puwedeng magpaulan sa mga bukirin.
Kung walang ulan, walang tubig na madadagdag sa mga dam na pinagkukunan natin ng inumin, patubig sa mga palayan at sa ibang lugar ay pinagkukunan pa ng enerhiya partikular sa Mindanao. Sa ngayon, ilang lalawigan na sa Mindanao na sinusuplayan ng mga geothermal power plant ang nakararanas ng rotational brownout.
Kapag walang patubig sa ating palayan at mga taniman, mangangamatay ang mga pananim gaya ng palay at magiging problema ang suplay sa pagkain. Bukod diyan, may masamang epekto rin ang matinding init sa mga hayop gaya ng manok at baboy na maaaring maging dahilan ng kanilang pagkamatay. Isama na rin natin ang mga isda sa palaisdaan na delikado sa fish kill kapag kinapos ng oxygen ang tubig sa kanilang lugar dahil sa matinding init ng tubig.
***
Pero dahil abnormal na kondisyon ng klima ang El Niño, delikado rin ang posibleng maging dulot nito sa paglikha ng bagyo. Batay sa pag-aaral ng World Meteorological Organization, ang init ng panahon ay nagmumula sa ibabaw ng karagatan ng Pacific, na bukod sa labis na tagtuyot at bagaman magiging madalas ang bagyo ay posibleng ubod naman ng lakas.
Bakit magiging malakas ang mga bagyo? Sa simpleng paliwanag ng science subject tungkol sa evaporation; kung matindi ang init sa karagatan, mas maraming nag-e-evaporate na tubig, mas maraming maiipon sa kaulapan na maaaring itapon sa kalupaan.
Nauna nang nanawagan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga mamamayan at mga opisyal ng pamahalaan -- lokal at nasyunal na paghandaan ang posibleng epekto ng El Niño. Ngayon pa lang ay magtipid na sa paggamit ng tubig at enerhiya, maghanda ng mga emergency plan. Kumikilos na rin ang mga ahensya ng pamahalaan upang mabawasan ng epekto ng El Niño sa mga taniman gaya ng paggawa ng mga karagdagang pag-iipunan ng tubig na magagamit sa irigasyon.
Pero siyempre, ang bawat isa sa atin ay maaaring makapag-ambag ng tulong para mabawasan ang epekto ng matinding tagtuyot. Ang bawat tabo ng tubig na hindi aaksayahin, kapag pinagsama-sama ay kasingdami rin iyan ng drum at aabot hanggang sa swimming pool. Makabubuti rin siyempre kung magiging malinis sa katawan para maiwasan ang putok sa kili-kili at nang hindi makahawa sa iba ngayong tag-init. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment