Monday, June 2, 2014

Dama ka pa rin ‘Yolanda’


                                                             Dama ka pa rin ‘Yolanda 
                                                                         Rey Marfil


Nakalulungkot ang trahedyang sinapit ng isang pamilyang naninirahan sa tolda o “tent city” sa Tacloban City na nasawi ang pitong miyembro ng pamilya dahil sa sunog. Pero sa halip na maghanap ng masisisi, mas makabubuting humanap ng paraan upang mapabilis ang pagtatayo ng mga permanenteng bahay para sa mga nakaligtas sa delubyong hatid ni ‘Yolanda’.

Lumilitaw sa mga naglabasang ulat na na­paba­yaang gasera na may sindi ang pinagmulan ng sunog sa tent city na kumitil sa buhay ng isang ina at anim niyang anak. Masaklap na pangyayari ito dahil nakaligtas sila sa tubig na dala ni ‘Yolanda’ noong Nobyembre pero hindi sa apoy pagkalipas ng may pitong buwan.

Pero magiging dagdag na trahedya sa mga biktima ni ‘Yolanda’ kung gagamitin pa ang nangyaring insidente sa pamumulitika para maghanap lang ng masisisi o masisiraan. Hindi kaya maiwasan ng ilang malikhaing mag-isip na manggatong at palabasin na may nanadya o nanabotahe sa nangyari?

Ang iba naman, agad na nakaturo ang sisi sa gobyerno sa katwirang hindi raw sana naganap ang trahedya kung nakapagpatayo na ng mga sapat na bunkhouse na paglilipatan ng mga evacuee sa Leyte. Pero sabi nga natin, hindi maganda na maghanap pa ng masisisi sa nangyaring sunog.

Dahil kung maghahahanap talaga tayo ng masisisi, ang dapat sisihin ay si ‘Yolanda’, na puminsala sa mga bahay at kabuhayan ng napakarami nating kababayan. Pero hindi nga dapat ganu’n, kailangan nating mag-move on, magtuloy ang buhay.

Naipaliwanag na dati ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na nakatalagang tumutok sa rehabilitasyon ng mga lugar na napinsala ng bagyo ang mga dahilan kung bakit may mga lugar na kulang pa ang mga itinayong pansamantalang tirahan ng mga evacuees.

Isang pangunahing dahilan dito ay ang paghahanap ng maayos at ligtas na lugar na matitirhan ng mga tao para makapagsimulang muli ng kanilang buhay. Sa dami ng mga naging biktima, malaking lupain ang kakailanganin.

Bukod diyan, hindi pa kumpleto ang master plan sa rehabilitasyon kung saan kasama rin ang iba pang aspeto ng suporta sa mga evacuee tulad ng kanilang magiging kabuhayan.

***

Kung tutuusin, hindi lang sa mga apektadong lugar ramdam pa rin ang epekto ni ‘Yolanda’. Maging sa ating ekonomiya ay dama pa rin ang epekto ng bagyo na naging dahilan kung bakit nasa 5.6 percent lang -- hindi gaya ng inaasahang 6.4 percent -- ang naitalang paglago ng ating ekonomiya sa unang bahagi ng 2014.

Pero kahit mas mababa ang iniangat ng ating gross domestic product kaysa sa inaasahan, kabilang pa rin naman ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may masiglang ekonomiya. Pangatlo ang Pilipinas na may pinakamasigla kasunod ng China at Malaysia.

Isipin na lang natin kung hindi dumaan sa buhay natin si ‘Yolanda’, hindi ba’t sana’y hayahay ang buhay at ekonomiya ng bansa. Pero halos nasa kalagitnaan pa lang naman tayo ng taon at inaasahan na makakabawi pa rin ang ating ekonomiya para maabot ang full-year growth na 6.5 hanggang 7.5 percent.

Sana lang ay walang bagong ‘Yolanda’ o malakas na lindol o ano pa mang matinding kalamidad na mananalasa sa ating bansa ngayong taon para naman matutukan ng husto ng pamahalaan ang mga proyekto at programa na nakaplano upang maibangon ang ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong.

Pero habang hindi pa lubos na naipatutupad ang mga proyekto para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ni ‘Yolanda’, kailangang ipatupad ang iba­yong pag-iingat at pag-alalay ng mga lokal na opisyal sa ating mga kababayan na wala pang permanenteng matitirhan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: