Monday, March 3, 2014

Malayo na!


                                                                     Malayo na!
                                                                      Rey Marfil

Laging sinisiguro ng administrasyong Aquino ang proteksyon at kagalingan ng ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa Saudi Arabia matapos maiulat na ipatutupad doon ang tinatawag na mega-recruitment system.

Sa katunayan, magpapadala si Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Rosalinda Baldoz ng “technical team” sa Saudi Arabia upang aralin ang bagong sistemang ipatutupad.

Sa mga naunang ulat, nagpahayag ng pangamba ang ilang mga kumpanya sa recruitment industry na magiging “for rent” sa employers sa gobyerno at pribadong sektor ang OFWs na magtutungo sa Saudi Arabia.

Maraming sektor rin ang nangangamba na ididikta na lamang ng mga ito ang magiging suweldo ng OFWs.

Siyempre hindi naman papasok sa negosasyon ang pamahalaan na magreresulta upang bumaba ang proteksyon ng ating OFWs.

Gagawin ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya upang garantiyahan pa rin ang karapatan at kagalingan ng ating OFWs bago man o luma ang sistemang ipatutupad.

Sa ngayon, kailangan muna nating maghintay sa ulat ng grupong ipapadala ng DOLE para mag-aral ng bagong patakaran at sistema sa Saudi Arabia.

Pero umaasa tayo ng magandang balita lalo’t kagalingan ng interes lagi ang ikinukonsidera ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para sa ating OFWs.

***

Malaki na talaga ang magandang pagbabagong nagawa ng pamahalan kaugnay sa kondisyon ng Autonomous Region in Mindanao (ARMM) sa ilalim ng bagong liderato na responsable sa implementasyon ng pangunahing mga imprastraktura, programang agrikultural at kapayapaan at kaayusan.

Susi dito ang matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy na ipinatutupad ni ARMM Gov. Mujiv Hataman.

Sa kanyang talumpati kamakailan sa 2nd ARMM LGU Summit on Governance and Development sa Waterfront Insular Hotel, ipinagmalaki ng Pangulo ang tagumpay ng bagong liderato ng ARMM sa paglaban sa katiwalian, pagsulong ng serbisyo publiko, at pagmintina ng kapayapaan at kaayusan.

Dahil sa ipinatupad na synchronized election sa ARMM noong 2013, napababa sa isang presinto ang nagkaroon ng failure of election mula sa 17 munisipalidad na nakapagtala ng failure of election noong 2007.

Napababa rin sa anim na kaso mula sa 33 insidente noong 2010 ang naitalang karahasang konektado sa halalan ng Philippine National Police (PNP).

Noong 2013, nasaksihan rin ang malaking positibong pagbabago sa pagkakaloob ng serbisyong kalusugan.

Lumaki rin ang bilang ng mga mahihirap na pamilyang nakatanggap sa pamahalaan ng suporta sa ilalim ng Pan­tawid Pamilyang Pilipino Program at target ngayong 2014 na makinabang ang 389,656 mag-anak sa ARMM sa ilalim ng programa.

Ibig sabihin, maraming mga lugar sa Mindanao ang nabibigyan na ngayon ng serbisyong kalusugan at libreng edukasyon na kabilang sa pangunahing mga serbisyong tina­tamasa ng maraming mga Pilipino sa ibang mga lugar sa bansa.

Sa ulat ni Hataman sa Pangulo, kapuri-puri rin naman ang paglaki ng pamumuhunan sa ARMMM matapos maitala ang P1.46 bilyon noong 2013 na 157 porsiyentong mas mataas kumpara sa P569 milyong naitala noong 2012.

Bahagi ng pamumuhunang ito ang siyam na milyong litro ng oil depot sa Port of Polloc sa Maguindanao na inaasahang magpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Gitnang Mindanao.

Tumaas rin noong 2013 ang koleksyon ng buwis nang ihayag ng Office of the Regional Treasurer ang P1.25 bilyon kumpara sa P1.24 bilyong target ng nasabing taon.

Sa ilalim ng matagumpay na Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) at pakikipagtulungan ng ARMM, nakapaglaan ang pamahalaan ng P1.49 bilyon noong 2013.

Asahan pa natin ang mas magandang ARMM na kapaki-pakinabang sa mga tao bago bumaba sa kapangyarihan si Pangulong Aquino at Hataman sa kapangyarihan sa Hunyo 30, 2016. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: