Wednesday, March 26, 2014

Resolusyon!



                                                                       Resolusyon!  
                                                                      REY MARFIL

Lumalakas ang laban ng Pilipinas sa pag-aari ng Scarborough (Panatag) Shoal sa Masinloc, Zambales. Sa tulong ito ng isang resolusyon na buong pagkakaisang inaprubahan ng Centris Democrat International (CDI) na kumokondena sa pagkubkob ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa kanilang resolusyon, nanindigan ang asosasyon ng pandaigdigang mga demokratiko na paglabag sa internasyunal na mga batas ang pagsakop ng China sa shoal na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) nito.

Partikular na nilalabag ng China sa pagsakop sa mayamang mga isla ang United Nations Charter at UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ibang internasyunal na mga batas.

Nabatid kay dating Senate President Edgardo Angara, kasapi ng Executive Council at Vice President for Asia Pacific ng CDI, na isa sa limang isyu na tinalakay ng grupo sa kanilang pulong kamakailan sa Brussels, Belgium ang pagsakop ng China sa Panatag Shoal.

Malaking bagay ito sa usapin ng diplomatikong relas­yon kung saan sinusuportahan ng maraming mga bansa ang laban ng Pilipinas.

Kauna-unahang pagkakataon rin na nakakuha ang Pilipinas ng positibo at malaking suporta sa hanay ng internasyunal na komunidad sa gitna ng bakbakan ng bansa at China sa pinag-aagawang mga teritoryo.

Mahigit sa 60 demokratikong mga bansa sa buong mundo ang nagnanais na resolbahin ng Pilipinas, China at iba pang mga nasyon sa mapayapang paraan alinsunod sa umiiral na internasyunal na mga batas ang agawan sa teritoryo.

Positibo ito para sa Pilipinas lalo’t mga nasyong naniniwala sa demokrasya ang sumusuporta sa ating laban.

***

Patuloy ang paninindigan ng administrasyong Aquino na isulong ang promosyon ng “transparency” sa pamahalaan sa pamamagitan ng paglulunsad sa darating na Abril 25, 2014 ng Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH) Version 2.0.

Masisiguro nito ang mas malawak na “transparency at accountability” sa paghawak ng mga donasyong ipinagkakaloob ng banyagang donors para sa mga komunidad sa rehiyon ng Visayas na nabiktima ni super typhoon Yolanda.

Ipinakilala ng FAiTH Task Force ang Version 2.0 ng website sa isang briefing ng diplomatic corps sa Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan.

Sa kasalukuyang bersyon ng FAiTH o Version 1.0, inililista ng pamahalaan ang banyagang mga tulong, cash man ito at goods at pangako, na ipinagkaloob matapos manalasa si ‘Yolanda’ sa Pilipinas.

Sa Version 2.0 ng FAiTH website, magkakaroon ng karapatan ang banyagang mga embahada na malayang mapasok ang input at update assistance na may kinalaman sa kanilang bansa sa online portal.

Kabilang dito ang updating ng halaga ng tulong na naibigay at ilalagay kung naging cash o non-cash ang kanilang naunang pangakong tulong at partikular na tutukuyin ang mga organisasyong tatanggap ng mga ayuda.

Bibigyan ng DFA ang banyagang mga embahada ng usernames para ma-update ang kanilang kontribusyon sa FAiTH na maaari nilang makuha sa Abril 7.

Kasama rin sa FAiTH’s Version 2.0 ang pagtugaygay sa pinatunguhan ng tulong ng pambansang pamahalaan.

Isasagawa naman ng Commission on Audit (COA) ang pagsusuri sa pinuntahan ng pondo na ibinigay sa pamahalaan bilang access observer.

Makakatiyak tayo na patuloy na dadami pa ang donors at maibibigay ang pangako ng mga ito sa nangangailangang mga biktima dahil sa itinataguyod na mahigpit na pangangalaga sa donasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na nais matiyak na hindi mawawaldas ang kahit kahuli-hulihang sentimo.
Laging tandaan: ­“Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: